Abante Tonite Interactive

No to bullying

270

Kumalat nitong nakaraang linggo sa Social Media ang pangbu-bully ng isang estud­yante ng Ateneo Junior High School sa kanyang kaeskuwela.

Sa mga komento dito, matindi ang akusasyon sa Ateneo na pinagtatakpan nila ito kaya kahit marami ang reklamo ay ‘di pa rin ito umaaksyon para matanggal na sa nasabing paaralan ang nasabing ‘bully’.

Maraming nagsasabi na kaya ganito ang inaasal ng nasabing paaralan ay dahil sa ang nasabing ‘bully’ ay pinoprotektahan ng isang dambuhalang tao sa mundo ng politika mula sa lalawigan ng Tarlac.

Nakakalungkot ito dahil base sa mga lumabas na ‘bully vi­deos’ ng estudyanteng ito, ang karahasan ay bahagi na talaga ng kanyang asal at dahil dito ayon sa mga ulat ay marami na siyang nabiktima.

Maraming mga dalubhasa ang nagsasabing kaya ganito ang ugali’t asal ng mga ‘bully’ ay dahil may problema sila sa kanilang pamilya o paraan nila ito para mapagtakpan ang sarili nilang ‘inadequacies’ o ‘di kaya naman ay ‘insecurities’.

Ito marahil ang dahilan kung bakit may mga taong nagsasabing dapat unawain sila.

Ito ang hindi matanggap ng marami sapagkat ayon nga sa kanila, naroroon nang maaring may problema ang mga ‘bully’ pero ‘di dahilan ito upang ‘di sila parusahan sa kanilang inaasal.

Dagdag pa nila, dapat talagang magkonsulta ang mga ‘bully’ sa mga Sikolohista pero dapat pa rin silang parusahan upang maging halimbawa sa marami na ‘di katanggap-tanggap ang ganitong asal sa ating mga paaralan at sa ating lipunan bilang kabuuan.

Maaaring ang sigaw ng bayan ang nangi­babaw at hindi ang pinaniniwalaang protector ng ‘bully’ sa mga kumalat na videos sa social media kung kaya’t nagpalabas na ang Ateneo ng desisyon noong Disyembre 23 kung saan ang estud­yanteng ito ay pinata­talsik na sa paaralan.

Maraming bumati sa Ateneo sa kanilang desisyong ito at nawa’y tularan ito ng iba pang mga paaralan lalo na’t base sa 2016-2017 ulat ng Kagawaran ng Edukasyon ay talagang malala na ang problemang ito lalo na sa Kalakhang Maynila.

Sa mga magulang, maging aral sana ang kasong ito upang lalo ninyong buksan ang inyong ugnayan sa inyong mga anak. Tunay na maiiwasan ang mga problemang ito kung maayos ang relasyon ng mga magulang sa kanilang anak. Sa mga mag-aaral, maging banta nawa ito sa inyo na walang puwang ang mga karahasan sa ating mga paaralan.

Ang paaralan ayon nga sa SINAG Party-List ay lugar para sa paglinang ng kaalaman at karunungan at hindi ng karahasan