Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nograles: Gulo `pag sinuway ni Cayetano si Duterte

0 518

Nagbabala si PBA party-list Rep. Jericho Nograles na magkakaroon ng gulo kapag nanatili pa rin sa kanyang puwesto si Speaker Alan Peter Cayetano sa kabila ng kasunduan kay Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco na maghati sila ng termino.

Ayon kay Nograles, pagsuway sa nais mangyari ni Pangulong Rodrigo Duterte kapag hindi bumaba sa kanyang puwesto si Cayetano pagsapit ng Oktubre 14.

“I would suppose the resignation of Speaker Cayetano should push through. Otherwise, if Speaker Cayetano does defy President Duterte as political leader, simply put, ang gulo nito,” pahayag ni Nograles sa panayam sa kanya sa telebisyon.

Kinuwestyon pa ni Nograles ang botohang naganap sa plenaryo para sa alok na pagbibitiw ni Cayetano na malinaw aniyang pagsasayang lamang ng oras imbes na marami pa silang dapat na asikasuhin tulad ng panukalang 2021 national budget.

Bukod dito, hindi naman umano saklaw o wala sa alituntunin ng Kamara ang naganap na botohan kaya hindi siya lumahok.

Tinukoy ni Nograles ang umiiral na panuntunan sa Kamara na kikilos lamang ang kapulungan tulad ng botohan kung mayroong actual resignation o bakante ang isang posisyon ngunit sa kaso ni Cayetano ay ito umano ang nag-alok na magbitiw. (Eralyn Prado)

Leave A Reply

Your email address will not be published.