Abante Tonite Interactive

Nograles nag-quarantine, Gamboa negatibo sa COVID

501

Nag-self quarantine na rin si Cabinet Secretary Karlo Nograles bilang bahagi ng protocol para sa pag-iingat sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Ito’y matapos ihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año noong Martes ng gabi na nagpositibo siya sa COVID-19 test makaraang magkaroon ng close contact sa mga infected ng virus.

“Ako, personally, isolated na po ako, at, this is, I think, Day 6 ng aking isolation. Nagsimula po ang aking isolation at self-quarantine at work from home noong March 26,” pahayag ni Nograles kahapon, Miyerkoles.

Pero wala umano siyang nararamdamang sintomas ng virus kung kaya’t hindi pa siya nagpapasuri.

“Habang wala pa akong sintomas, hindi muna ako magpapa-test bagama’t hiwalay na po ako at isolated na po ako sa aking household at totally self-quarantine po ako ngayon,” ani Nograles.

Sinabi pa ng kalihim na depende na rin sa iba pang miyembro ng gabinete kung sasailalim sila sa COVID-19 test.

“Nasa membership ng IATF [Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases), pati na rin `yong Cabinet secretaries kung magpapa-test sila o hindi. Depende sa kanilang karamdaman,” ayon pa sa kalihim.

Samantala, pinawi ng Philippine National Police (PNP) ang pangamba ng publiko hinggil sa kalagayan ni Director General Archie Francisco Gamboa matapos itong hindi mapagkikita sa publiko.

Si Gamboa ay sabay na sumailalim sa self-quarantine kabilang ang ilang matataas na opisyal ng pamahalaan katulad ni Sec. Año na nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay PNP spokesman Brig Gen. Bernard Banac, nakuha na ng PNP Chief ang resulta ng isinagawang COVID test sa kaniya dalawang linggo na ang nakalilipas at lumabas na negatibo ito sa virus.

Kasunod nito, sinabi ni Banac na nagpapatuloy naman ang trabaho ng PNP Chief at mahigpit nitong sinusunod ang physical distancing at disinfection sa kaniyang mga tauhan at sasakyan sa pagpasok sa Camp Crame.(Prince Golez/Edwin Balasa)

Tonite – Wendys Inhouse Ad