Abante Tonite Interactive

Nonoy ihaharabas ng USTe

0 178

Susubukan ng University of Santo Tomas Growling Tigers sa pagtrangko ni rookie sensation Mark Nonoy na pahabain ang winning streak sa 9th Philippine Basketball Association 2019 D-League pagharap sa Petron-Letran ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Tatlong linggong nagpahinga ang USTe matapos ang paglampaso sa Go fo Gold-CSB 94-82 noong Marso 19.

Wala pang talo sa apat na laro ang UST sa Aspirants Group. Pero hindi magpapakumpiyansa dahil alam ang kayang gawin ng Petron-Letran, na kanilang makakaharap sa alas-12:00 ng tanghali.

“Kilala ko itong Letran. Malakas na team din sila kaya kailangan talaga namin silang paghandaan,” giit ni España-based coach Aldin Ayo.

Sasandalan ni Ayo bukod kay No­noy ang mga bagong dating sa kampo na sina Rhenz Abando at Beninese forward Soulemane Chabi Yo.

Galing sa 64-83 talo ang Knights kontra Cignal-Ateneo sa nakaraang Huwebes at magpipilit umangat ang brigada ni coach Bonnie Tan sa barahang 3-2. (Fergus Josue, Jr.)