Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nora humingi ng tawad kay Kitchie

0 431

NI: RODEL FERNANDO

Nagluluksa ang Superstar na si Nora Aunor sa pagpanaw ng matalik niyang kaibigan na si Kitchie Benedicto.

Pumanaw siya noong August 4 sa kanilang tahanan sa Pasig. Madamdamin ang ipinadalang statement ni Nora sa Abante Tonite sa pagpanaw ng isa sa itinuturing na haligi ng Philippine TV.

“Ako po ay lubos na nagdadalamhati sa pagpanaw ng aking kaibigan na si Ate Kitchie Benedicto. Sila po ng pamilya niya ang isa sa may-ari ng KBS network kung saan sila po ang naging producer ng SUPERSTAR SHOW ko na isang musical variety na nagtagal ng 22 years at MAKULAY NA DAIGDIG NI NORA na isang drama anthology naman. Si Ate Kitchie ang isa sa mga unang nagdirek ng mga nasabing palabas na umere sa Channel 9.

“Masasabi ko pong isa siya sa mga naging dahilan kung bakit tumagal ng mahabang panahon ang akin pong mga programa na minahal ng sambayanang Pilipino, tinangkilik ng mga advertiser at pinarangalan ng ibat-ibang award giving bodies.”

Inaala rin ng aktres ang masasayang pinagsamahan ng dating TV Executive.

” Ang masasabi ko ay talaga pong napaka-dedicated ni Ate Kitchie sa kanyang trabaho. Masyado po siyang hands on para sa ikagaganda ng aming palabas.

SM food to go Banner Ad

“Isa rin si Ate kitchie sa mga sa mga saksi at promotor nang ikasal kami ni Christopher de Leon sa beach nila sa La Union kung saan ay naging ninang namin si Lupita Kashiwara dahil siya ang kasalukuyang direktor noon ng Makulay na Daigdig at tsaka si Ninang Charito Solis.

“Higit pa sa kaibigan ang turing ko sa kanya. Alam na alam niya kung may problema ako, masaya, malungkot at maysakit. Siya rin ang kasama ko tuwing may problema kami noon ni Tirso. Marami pang alaala at kulang ang espasyo na ito kung ikukuwento ko lahat. Napakalaki ng naitulong niya sa akin.

“Kahit noong nasa ibang bansa na ako hindi pa rin siya huminto ng pagtulong sa akin. Ang isang taong napakalapit sa kanya na si Beng ang higit na nakakaalam sa lahat ng mga ginawang tulong sa akin ni Ate Kitche. Si Beng ang nakakaalam kung gaano ako kamahal ni Ate Kitchie.”

Aminado rin ang multi awarded actress na may mga pagkukulang siya kay Kitchie at alam niyang naintindihan siya nito.

“Saan man siya naroroon ngayon gusto kong humingi ng tawad,” deklara niya.

Hinding-hindi raw niya ito makakalimutan at mananatili siyang buhay sa kanyang alaala.

“Ako po ay nakikiramay sa pamilyang naiwan niya. May she rest in peace at nawa’y magsilbing inspirasyon ang mga magagandang alaalang naiwan niya sa kanyang pamilya, mga nakatrabaho at mga kaibigan,” sey pa ni Ate Guy.

Leave A Reply

Your email address will not be published.