Abante Tonite Interactive

Nora pumiyok sa biro ni Lolit

0 1,431

NI:RODEL FERNANDO

Positibo ang naging tugon ng Superstar na si Nora Aunor sa post ni Lolit Solis sa kanyang Instagram account kamakailan.

Nabanggit kasi ang pangalan ng aktres na inalmahan ng kaniyang mga tagahanga. Kahit biro ay nakakasakit din sabi ng mga ito.

Nang magpositibo kasi si Christopher de Leon sa COVID-19 ay nagbigay ng mensahe si Manay Lolit .

Pahayag niya: “Biro ko nga, kung si Nora Aunor nalagpasan mo at kinaya si coronavirus pa hindi naman siya superstar. Joke joke. Basta alam ko kakayanin ito ni Christopher with flying colors.”

Pero imbes na magalit o maapektuhan si Nora rito ay madiplomasya at malawak ang pang-una niya itong hinarap.

Aniya, ” Alam ko may pinagsamahan kami ni Lolit Solis noong araw lalo na noong nakatira pa ako sa Valencia. Isa siya sa mga taong naging malapit sa puso ko at pinagkatiwalaan noong araw.”

“Nakakalungkot lang isipin na si Lolit Solis pa na mula noon hanggang ngayon ay hindi nawala ang RESPETO ko. Minahal ko siya tulad ng iba pang mga reporters na naging malapit sa akin noong araw hanggang ngayon. Minahal ko ang isang Lolit Solis bilang isang tunay na kaibigan.

“Ipapanalangin ko pa rin sa TAAS na sana ay maging ligtas ka sa araw araw. Patuloy ka nawang ingatan ng ating PANGINOON sa lahat ng mga ginagawa mong patuloy na pagtulong hindi lamang sa iyong sariling pamilya kundi sa mga artistang minamanage mo. Subaybayan ka nawa lagi sa mga ginagawa mong pagtulong sa mga taong nangangailangan lalo na sa panahong ito na namamayagpag ang nakamamatay na CORONAVIRUS.”

Bukod kay Manay Lolit, ipinapanalangin din ng multi-awarded actress ang paggaling ni Papa Boyet.