Abante Tonite Interactive

NORA AT VILMA, SUPER-TSIKAHAN BACKSTAGE

35

NANGHINAYANG kami sa pagkatalo ni Christian Bables (Die Beautiful).

Ang Best Supporting Actor ng 33rd PMPC Star Awards for Movies ay si Xian Lim (Everything About Her).

Sabi ni Xian pagkatapos niyang tanggapin ang award, “Sabi ko nga kanina, it was very unexpected for me when we started Everything About Her, and now dito na ako sa I received an award.

“So, I don’t know, maraming maraming salamat lang.”

Masaya siyempre si Xian sa acting award na natanggap niya mula sa PMPC.

Kung hindi kami nagkakamali, ito ang ikatlong tropeo na natanggap niya para sa nasabing movie.

Tinanong na rin doon si Xian kung may problema ba sila ni Kim Chiu pagkatapos napabalitang nag-unfollow sila sa kani-kanyang Instagram account.

Sagot ng aktor, “Huwag n’yong pansinsin ‘yung Instagram.

“Don’t worry, everything’s okay with me and Kim. Wala namang problema with Kim.

“Huwag n’yong iseryoso ‘yung Instagram guys.”

***

Surprise at first acting award itong natanggap ni Daniel Padilla na Best Actor mula sa pelikulang Barcelona.

Sa interview kay Daniel pagkatapos niyang tanggapin ang Best Actor trophy ay halatang alam na niyang siya ang magwawagi. Kaya pinaghandaan din naman ito ni Daniel at gamit pa raw niya ang bago niyang sports car papuntang Resorts World.

Pahayag ng Kapamilya young actor, “Nu’ng nalaman ko kanina, tinanong ko sila, mga kakilala ko, kung para sa akin na ba talaga ang award na ‘yun?

“Sabi ko, dapat na bang ibigay sa akin ang award na ‘yun?

“Kaya tinanong ko sino ba ‘yung mga kasama kong nominees na masasabi nating maraming worth it na bigyan du’n.

“Pero siyempre, wala naman akong ano diyan. Sila ang namili. Ako, nagpapasalamat na lang ako sa recognition ng PMPC, sa ginawa namin sa Barcelona, and sobrang… para sa akin, eto, best actor na ako.”

Mas natsa-challenge na siya ngayon na lalo pa niyang galingan dahil may Best Actor trophy na siya.

“Kailangan ko pang galingan ngayon dahil ngayon, mas bantay-sarado na ako.

“Siguro, binigay sa akin ng Diyos ito para lalo ko pang galingan, mas lalo ko pang ayusin at sa lahat na project na binigay dapat talagang 100% din na ibigay,” saad ni Daniel.

***

nora-vilma
Nora at Vilma, tabla bilang best actress

Proud ang PMPC na napagsama nila sa entablado sina Nora Aunor at Vilma Santos.

Sila ang unang recipient ng bagong special award nilang Ginintuang Bituin ng Pelikulang Pilipino.

Nakakatuwang tingnan nang magkita silang dalawa sa backstage.

Super tsikahan talaga sila dahil halos dekada na rin daw silang hindi nagkita at nagkakumustahan.

Bahagi ng text sa amin ni Mell Navarro na isa sa mga opisyal ng PMPC, “Grabe ang hirap ng PMPC mapagsama ang dalawang reyna.

“Thank God nairaos at parang long lost friends ang dalawa backstage sa kuwentuhan that they missed each other.

“Nakita namin mismo ang sincerity ng dalawa sa isa’t isa. Historical moment indeed.

“Nagkuhaan din sila ng phone numbers. What a memorable moment!”

Nabanggit naman ni Nora sa isang interview na masaya silang nagkakuwentuhan ng kumareng Vi niya at nangakong magtatawagan sila.

Nakakatuwa ang ganu’ng minsang pagkakataong mapagsama ang dalawa.

Nakakapagtaka lang, bakit pati sa Best Actress award, kailangan din nilang mapanalunan?

Totoo ba ‘yung naiparating na kuwento sa aming nagkaroon ng matinding pagtatalo sa voting members na Noranians at Vilmanians?

Wala na raw silang ibang napagtalunang artista kundi ang mga paborito lang nilang sina Nora at Vilma.

Meron daw isang voting member na pinu-push si Lotlot de Leon, pero mas nangingibabaw daw ang Noranians at Vilmanians.

***

Pinag-usapan din nang gabing iyun ang biruan nina Alex Gonzaga at Luis Manzano na kung saan pagkatapos tinanggap ni Luis ang Darling of the Press, tinanong siya ni Alex kung magkano niya nabili ang naturang award.

Sinagot naman daw ito ni Luis ng 180.

Sa mga nakakakilala sa dalawa, alam nilang matindi talaga magbiruan ang dalawa. Kaya hindi na ito dapat patulan.

Mabuti at hindi ito pinatulan ng karamihang miyembro ng PMPC.

Hinayaan na lang nila ito at ipinagkibit-balikat. Kung palalakihin nila ito, baka mas matindi pa ang balik sa grupong ito.