Abante Tonite Interactive

Notoryadong deed of sale puwedeng mapawalang-bisa?

By
1,491

Dear Atty. Claire,

Hihingi lang po sana ng opinyon na kung pwede bang mapawalang bisa ang notoryadong Deed of Sale?

Meron po akong maliit na lupa na binigay sa akin ng aking ama noong nabubuhay pa siya.

Ang lupa po ay bigay rin lang sa kanya sa bisa ng proklamasyon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Binili po ng kapitbahay namin ang 3.0 x 6.0 (18 sqm) para daw po sa Right of Way nila at gagawing parada­han ng bibilhin nilang sasak­yan.

Pumayag ang a­king ama na ipagbili sa kanila ang parte ng lupa sa pamamagitan ng Deed of Sale na pirmado ko at ng aking ama at sa usapang sila ang magpapalipat at mag-aa­yos ng mga kaukulang pro­seso (walang kasulatan).

Noong araw na nag-­uusap-usap kami ay ‘di po namin alam na ang right of way pala nila ay nasa likurang bahagi ng kanilang lote at ang nabili nilang sasak­yan sa ngayon ay laging nakaparada lang sa maki­tid na daan papasok sa aking property.

Ang pinaka-problema ko po ngayon, ang lupang binili nila ay ako pa rin ang nagbaba­yad ng amilyar taon-­taon at wala silang ibang pinanghahawakang dokumento kundi ang Deed of Sale lang na iyon.

‘Di po naasikaso ang pagpapalipat ng nasabing sukat ng lote sa kanilang pangalan at maisama sa original na sukat ng lote nila.

Paano po ba ng dapat kong gawin para maibalik na lang sa akin muli ang kapirasong lupa na ‘yon?

Lubos na gumagalang at nagpapasa­lamat,
Bong

Mr. Bong,

Sa ngayon ay wala ka nang magagawa upang mabawi ang usapan tungkol sa benta­han ng kapirasong lupa ninyo dahil iyan ay matagal nang napagkasunduan.

Ang kontrata na ginawa nang boluntaryo ay siyang batas na susundin ng mga taong nagkasundo at pumirma sa kasunduan.

Kahit sabihin mo na may right of way na siyang iba ay hindi mo magagamit na katwiran iyon dahil nagkaroon kayo ng bentahan.

Iba ang sitwasyon kung libre ang pagpapagamit mo ng parte ng lupa mo para sa kanyang right of way.

Ang maaari mo lamang gawin ay mag-“demand” ka ng partition para hindi ka ma­obliga na bayaran ang parte na siya na ang gumagamit.

Singilin mo rin ang share niya sa amilyar kaugnay sa 18 sq.m. at kapag hindi siya nagbayad ay maaari mo siyang ireklamo para sa collection of sum of money na may kasama nang legal interest na 1% kada buwan.

***

Kung may katanu­ngan pa ay tumawag ­lamang sa 410-7624/922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.