Abante Tonite
Mabilis sa Balita

November 1 sa ‘Ber’ month

0 121

Kung ang mga ayudanatics nating kurimaw ang tatanungin, hindi raw sila masyadong excited sa pagpasok ng “Ber” months kahit pa mag-Tiktok daw sa harap nila si Jose Mari Chan.

Hindi naman nakapagtataka kung marami tayong kababayan na ganun din ang pakiramdam dahil sa perwisyong dulot ng COVID-19 pandemic, na talaga namang marami na ang pinatay at pinahihirapan.

Ang latest nga ay itong komedyanteng si Mahal na marami ang nabigla. Halos dalawang linggo pa lang yata ang nakakaraan nang mapabalita kasi ang ginawa niyang pagpunta sa Bicol para bisitahin ang kaibigan niyang si Mura at hatiran ng tulong.

Makikita mo na ang lakas-lakas at panay ang bungisngis pero sa isang iglap, nawala na. Mayroon din tayong mga nabalitaan na ilang araw lang matapos makaramdam ng sintomas ng sakit, namaalam na rin.

Kaya nga nagtataka ang ilang tropapips natin sa mga nagsasabing sa quarantine facility na lang dalhin ang COVID positive na hanggang “mild”ang sintomas. Para daw matutukan ng mga napupuno nang ospital ang mga pasyenteng severe o critical cases.

Pero papaano nga naman makatitiyak na hindi biglang malalagay sa peligro ang mga “mild” cases kung wala sa ospital sakaling biglang lumala ang kondisyon nila? Aba’y ilang balita na rin ang lumabas na may mga pasyenteng paubo-ubo lang ang sintomas noong una pero biglang lumalala ang lagay dahil nagkaroon ng komplikasyon.

Mabuti sana kung parang boy scout na laging handa ang mga nagmamando ng mga quarantine na kaagad matutugunan ang sitwasyon ng pasyente. Papaano kung hindi? Baka sa crematorium na ang punta ng pasyente kaysa ospital.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sa dami ng mga namatay sa COVID, malamang na sa pagpasok ng Ber month, ang nasa isip nila Undas sa November 1, at hindi ang Pasko sa December.

Gaano ba kalungkot ang datos sa bilang ng mga namatay dahil sa COVID na baka masabi mo na, “Takot ako?” Sa ulat ng Department of Health mga tropapips noong Disyembre 26, 2020, ang buong bilang pa lang ng mga nasawi sa virus ay 9,067.

Nang panahon na iyon, nakalagay na 1,404 ang mga bagong kaso at 469,005 pa lang ang total cases. Ang active cases ay 28,883 o mga pasyenteng ginagamot at nagpapagaling. Ang mga pasyenteng malala ang lagay, 2.5 percent ang severe, at 4.8 percent ang critical.

Sa datos naman na inilabas ng DOH nitong September 1, 2021 mga tropapips, nakasaad na 14,216 new infections at mahigit 2 milyon na ang total cases. Samantalang ang active cases, nakakalulang 140,949.

Kumpara noong December 26, 2020, mas mababa ang percentage ng severe cases na 1.2%, at 0.6% naman sa critical. Pero pagdating sa kabuuang bilang ng mga nasawi, mapapakapit ka dahil umaabot na sa 33,533.

Ibig sabihin mga tropapips, kapag ibinawas mo ang 9,067 na nasawi noong hanggang December 2020, sa 33,533 ngayong September 1, lumalabas na mahigit 24,000 buhay ang nasawi sa COVID mula Enero hanggang Agosto 2021 pa lang ng 2021.

Hindi pa natin alam kung iyan na ba talaga ang tunay na bilang ng mga nasawi sa COVID, at hindi pa kasama diyan ang mga taong hindi na kinaya ang mahirap na laban sa buhay dahil sa pandemic. Ang masakit pa batok, sa dami ng mga namamatay at naghihirap, makakabalita ka pa ng mga milagro sa pondong laan sa pagtugon sana sa problema. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.