Abante Tonite Interactive

NPA buburahin ni Sara sa Davao

376

Nais ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na mabura sa kanilang lungsod ang mga rebeldeng komunista sa loob ng tatlong taon.

Sa kanyang mensahe para sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, sinabi ng alkalde na malaki ang gagampanang papel ng mga barangay leader para mawakasan na ang communist rebellion sa kanilang lungsod.

Hinimok nito ang mga barangay chairman na tumulong para mapuksa ang New People’s Army (NPA) sa Davao City.

“We want to achieve a 100% insurgency-free Davao City. That is our target and objective, we need to be united and everyone should understand our way (of doing it) for the next three years,” sabi ni Mayor Sara.

Tiniyak din nito na patuloy nilang paiigtingin ang mga programa para sa kapayapaan at kaunlaran upang humina ang impluwensiya ng mga rebeldeng komunista.

Ibinigay na halimbawa ng alkalde ang Paquibato District kung saan inilunsad dito ang Peace 911 program na nagresulta sa pagkawala ng mga rebelde sa lugar makalipas ang ilang dekada.

Nabatid na itinatag ang Peace 911 para matugunan ang mga isyung kinakaharap ng mga naninirahan sa malalayong lugar sa Davao City.

Pinalawak din ang programa sa 18 iba pang barangay na natukoy na mayroong mga rebeldeng NPA. (JC Cahinhinan)