Abante Tonite Interactive

NPA dinawit sa nilikidang DOLE lady exec

238

Ikinukunsidera ni NCRPO Regional Director Police Brig. Gen Dehold Sinas na mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasa likod ng paglikida sa isang babaeng opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) kamakailan sa Malvar St., Malate, Maynila.

Ito ay dahil na rin sa imbestigasyon ng pulisya na wala namang kaaway o kaalitan ang biktimang si Helen Dacanay, 59, senior labor and employment officer na nakatalaga sa DOLE Manila head office, at residente ng Block 11, Lot 1, Casimiro THMS Queensrow East, Molino, Bacoor, Cavite.

Hinihinala ng pulisya na posibleng may kinalaman sa kanyang trabaho sa DOLE ang posibleng dahilan ng pagpaslang kay Dacanay kaya inaalam nila kung ano-anong labor case ang dumaan sa tanggapan nito.

Matatandaan na nakita sa CCTV ang mukha ng dalawang gunman na bumaril ng may 16 ulit sa biktima.

Nanawagan din sa publiko ang mga awtoridad sa posibleng pagkakakilanlan ng dalawang suspek na muling sumakay sa motorsiklo at iniwan sa isang lugar sa Linao St., bago sumakay ng tricycle.

Magugunita na naganap ang pananambang alas-4:45 ng hapon noong Nobyembre 3.
Galing umano si Dacanay sa kanyang tanggapan sa DOLE Manila head office at sakay na ng itim na Honda Brio (ACA-7338) nang bigla na lang tambangan at pagbabarilin ng dalawang suspek na riding-in-tandem.

Idineklarang dead-on-arrival sa Ospital ng Maynila (OSMA), ang biktima. (Juliet de Loza-Cudia)