Abante Tonite
Mabilis sa Balita

NPA lider, 4 galamay bulagta sa military

0 184

Patay ang sinasabing lider ng New People’s Army (NPA) at apat pa niyang kasamahan matapos ang naganap na engkuwentro kontra pinagsanib na puwersa ng pulisya at sundalo, kahapon ng umaga sa bayan ng Mandaon, Masbate.

Ayon kay Police Major Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol PNP, nauwi sa engkuwentro ang pagsisilbi ng warrant of arrest ng tropa ng pamahalaan laban sa akusadong si Eddie/Arnold Rosero alyas Ka Star, platoon lider ng Larangan 1, Komite ng Probinsya 4 ng Bicol Regional Party Committee.

Napag-alaman na dakong alas-5:30 ng umaga, nang magsagawa ng ope­asyon ang pulisya at sundalo sa Brgy. Bugtong, Mandaon, Masbate laban kay Rosero subalit hindi umano nagpahuli nang buhay ang suspek kasama ang kanyang mga miyembro at nakipagpalitan umano sila ng putok sa awtoridad.

Tumagal ang engkwentro nang halos 30 minuto hanggang sa bumulagta si Rosero at apat pa niyang kasamahan.

Wala namang nasaktan o nasawi sa panig ng gobyerno habang nakumpiska sa naganap na labanan ang tatlong M16, isang M14, kalibre .45 baril, mga pampasabog, bala at mga subersibong dokumento ng samahan.

Ayon sa pulisya, si Rosero at iba pang kasama nito ay nahaharap sa limang kasong murder, attempted murder at mga krimeng may kaugnayan sa paglabag sa international law.

Samantala, patuloy rin ang hot pursuit at clearing operations para hulihin ang mga nakatakas na rebelde na kasamahan ng mga nasawi. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.