Abante Tonite Interactive

NPA natimbog sa Laguna

By
22

Nagwakas ang 12-taong pagtatago ng isang wanted na dating lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos na ito ay maaresto sa magkakasamang operasyon ng Calauan Municipal police station, Provincial Intelligence Branch (PIB) Laguna Police Provincial Office (PPO), PIB Antique PPO at San Remigio, Antique PPO sa pinagtataguan nito sa Brgy. Mabacan, Calauan, Laguna kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang naarestong wanted na si Winston Gilua alyas ‘Ka Waway’ at alyas ‘Nonoy’, 49-an­yos, dating team leader ng Panay Regional Party Committee ng NPA.

Batay sa record ng Philippine National Police (PNP), si Gilua na 12-taong nagtago sa batas sa Calauan ay wanted sa mga kaso ng pagpatay sa tatlong mayor sa San Remigio, Antique noong taong 1990s; pag-ambush sa isang SPO3 Catague ng San Remigio police at pagpatay sa isang T/Sgt. Otero, ng Philippine Army at sa isang sibilyan noong 2004.

Nakakulong na ito ngayon sa Calauan police station at nakatakdang i-turn over sa San Remigio police station.

Walang piyansang inirekomenda para sa pansamantalang paglaya ng suspek.