Abante Tonite
Mabilis sa Balita

NPA wow mali sa tinodas na FEU football player

0 224

Inako ng New People’s Army (NPA) ang nangyaring pagkamatay ng isang football player ng Far Eastern University (FEU) at kanyang tiyuhin noong Hunyo 6 dahil sa tinanim nilang improvised explosive device (IED) sa kalsada kung saan nagbibisikleta ang mga ito.

“Ipinapahayag ng buong Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang taos-pusong pakikidalamhati kaugnay ng hindi napapanahon at hindi kinakailangang pagkamatay ng magpinsang Kieth at Nolven Absalon at pagkapinsala sa iba pa dulot ng mga pagkakamali sa aksiyong militar ng isang yunit ng BHB sa Barangay Anas, Masbate City nitong Linggo,” ayon sa pahayag ng grupo na inilabas ni Marco Valbuena, information officer ng CPP.

“Inaako ng PKP at BHB ang buong responsibilidad sa trahedyang ito. Walang makapagbibigay katwiran sa pagdurusang idinulot nito sa pamilyang Absalon,” dagdag nito.

Linggo ng umaga, nagbibisikleta sina Kieth, 21; pinsan niyang unyonista na si Nolven, 40, at 16-anyos na anak ng huli nang sumabog ang IED sa Purok 4, Barangay Anas.

SM food to go Banner Ad

Patay ang magpinsan habang sugatan naman ang 16-anyos.

“Taimtim naming hinihingi sa pamilyang Absalon, sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan, at sa buong sambayanang Pilipino, na tanggapin ang aming paghingi ng tawad, pagpuna sa sarili at kahandaang magbigay ng ano mang nararapat na kabayaran sa pinsala,” ayon sa pahayag.

Ayon sa CPP-NPA, nagsasagawa na ng imbestigasyon hinggil sa insidente.

Samantala, hindi naman binanggit ang gagawin sa mga rebelde na nagtanim ng IED. (Kiko Cueto)

Leave A Reply

Your email address will not be published.