Abante Tonite Interactive

NPO subcontract sa VIS printing iligal

219

Pinagpapaliwanag ng Commission on Elections (Comelec) ang National Printing Office (NPO) kung totoong pina-subcontract nito sa isang pribadong kompanya ang imprenta ng voter’s information sheet (VIS) para sa katatapos na eleksyon

Ayon kay Commissioner Rowena Guanzon, kung totoo man ito ay mananagot aniya ang NPO dahil mahigpit itong ipinagbabawal ng Commission on Audit (COA).
Aminado si Guanzon na sumiklab ang kanyang galit nang malaman niyang ipina-subcontarct umano ng NPO sa Holy Family Printing Press ang pagpapaimprenta ng VIS.

“‘Yung voter information sheet na in-award namin sa National Printing Office, dahil government to government, eh walang bidding tapos nalaman ko na ganyan, sagutin nila ako kung totoo… pina-subcontract ba nila sa Holy Fami­ly Printing Press ang voter information sheet namin?” pahayag at tanong ng opisyal.

Mali-mali umano ang mga ininprentang dokumento at dapat ay may managot sa nasabing kapabayaan.

Malinaw aniya na nakagawa ng krimen ang NPO sakaling totoo umano na ipinagawa sa tagalabas ang pagpapaimprenta,

“Dapat sinabihan kami, hindi niyo pala kayang magprint niyan. Kaya nga sa inyo binigay kasi gobyerno kayo eh tapos ganyan,” diin pa ni Guanzon.
Samantala, wala pang reaksyon ang kampo ng NPO sa nasabing kaso. (Dang Samson-Garcia)