Abante Tonite
Mabilis sa Balita

NTC, NDRRMC nalusutan sa Bongbong kampanya

0 68

Inimbestigahan ng National Telecommunications Commission (NTC) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang nangyaring emergency text blast na natanggap ng ilang cellphone user kung saan inanunsiyo ang pagkandidato sa pagka-pangulo ng natalong aspirante sa vice presidential election na si Ferdinand `Bongbong’ Marcos Jr.

Sabi ni NTC Deputy Commissioner Edgardo Cabarios sa Abante Tonite, nakipag-usap na sila sa mga telco at wala silang mga natanggap na emergency alert mula NDRRMC, ang tanging may kapangyarihang magpadala ng alerto sa mga tao sa panahon ng emergency tulad ng mga bagyo, lindol, pagputok ng bulkan at iba pang mga kalamidad.

Pinadadala ng NDRRMC ang emergency alert sa mga telco at dumadaan ito sa verification process para masigurong totoo bago ipadala sa mga subscriber.

Aniya, hindi NDRRMC ang nagpadala ng mensahe.

Sabi ni Cabarios, inaalam nila kung ang mga SMS o text ay galing sa mga portable cellsite. Paliwanag niya, bawal ang mga portable cellsite at NDRRMC at mga ahensiyang may basbas lamang ang maaaring gumamit nito.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Hindi umano matukoy kung ilang mga cellphone subscriber ang nakatanggap ng SMS at inaalam pa kung sa portable cellsite ito galing.

Inamin naman ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal na maging sila ay nagulat dahil hindi naman naglalabas ang ahensiya ng ganoong mga pahayag o pag-endorso ng kandidato sa halalan.

Nakasaad sa emergency alert na: “Buong Buo ang Malaasakit (sic) sa Bansa. Buong Buhay Maialay sa taong bayan. Bagong Bukas na Masagana para sa masa. BaBangon Muli ang Pilipinas (V) BBM sa bansa, BBM sa taong bayan, BBM sa Masa..BBM Pilipinas.”

Wala pang sagot ang kampo ni Marcos ukol sa isyung ito. (Eileen Mencias/Kiko Cueto)

Leave A Reply

Your email address will not be published.