Abante Tonite
Mabilis sa Balita

NTF-ELCAC binisto sa P9B barangay `pork’

0 518

Inakusahan ng isang kongresista ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na binuhay diumano ang kontrobersiyal na `pork barrel’ system sa pamamagitan ng Support to the Barangay Development Program (SBDP).

Partikular na tinukoy ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang P9.66 bilyong inisyung Special Allotment Release Order (SARO) ng Department of Budget and Management (DBM) para sa programa ng NTF-ELCAC.

Dahil dito, naghain na rin ng House Resolution No. 1728 si Brosas upang ipasilip ito sa kamara.

Batay umano sa datos mula sa DBM website, lumitaw na ang SARO na nagkakahalaga ng P9.66 bilyon ay inilabas para sa programa na walang tiyak na proyekto na isasakatuparan ng provincial government o mga ahensiya ng national government kabilang na ang Engineer Brigade ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Giit pa ng kongresista, kahit mayroong DBM Local Circular No. 135 ang naturang programa ng NTF-ELCAC ay maihahalintulad pa rin ito sa `pork barrel’.

“May discretion ang LGUs at NTF-ELCAC kung anong proyekto ang ipapatupad batay sa menu of projects na redundant at ginagawa na ng ibang ahensya ng gobyerno. Fill in the blanks ang gagawin,” ayon kay Brosas.

Sabi ni Brosas, sa ngayon ay wala pang dokumentong inilabas ang NTF-ELCAC na magpapakita ng project breakdown.

“Magkano ang gagastusin sa farm-to-market roads? Magkano ang gagastusin sa housing at health facilities? In the first place, these projects should be undertaken by appropriate agencies and not by an inter-agency task force,” giit ni Brosas.

Nangangamba si Brosas na ang pondo para sa SBDP ay pag-ugatan ng korapsyon at pang-aabusong may kinalaman sa pinaigting na red-tagging lalo pa at malapit na ang halalan sa 2022.

Giit ni Brosas na ilatag ng NTF-ELCAC ang mga detalye kung paanong gagamitin o ginagamit ang kuwestiyonableng P9.6 bilyong pondo nito. (Eralyn Prado/Billy Begas)

Leave A Reply

Your email address will not be published.