Abante Tonite Interactive

Number coding muling bubuhayin

By
8

Planong buhayin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang panukalang hinggil sa dalawang araw na implimentasyon ng number coding para mabawasan ang mga pribadong behikulo na bumabagtas sa Kalakhang Maynila.

Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, sa lumalalang trapik sa Metro Manila ay dapat na mabawasan ang mga pribadong behikulo sa Metro Manila.

Sa pulong ng mga Metro mayors sa darating na buwan, hihilingin ni Lim sa Metro Manila Council (MMC), ang policy making body ng MMDA ang pagpayag nito para i-consider ang two-day number coding scheme.

Dagdag pa ni Lim, na ang naturang ideya aniya na i-revive ang ang panukalang “two-day scheme”  ay mula sa suhestiyon ng mga mambabatas matapos ang kanilang budget hearing.

“Some of the congressmen were actually advocating that we revise our number coding scheme,” ayon kay Lim.

Subalit nilinaw ni Lim na ang may pinal aniyang desisyon nito ay ang MMC at hindi basta-basta aniya makakapagdesisyon ang MMDA sa naturang panukala.

Magugunitang ipinanukala ang two-day number coding scheme noong buwan ng Hunyo, subalit hindi ito nagtagumpay dahil mariin itong tinutulan ng transport group lalo na ng mga pribadong motorista.

Sa kasalukuyan aniya ay may number coding, kung saan ang mga behikulo na ang numero ng plaka na ang ending ay 1 at 2 ay hindi pwedeng lumabas pag-araw ng Lunes; ang 3 at 4 ay bawal naman tuwing Martes; 5 at  6  ay bawal sa Miyerkules; 7 at 8 ay bawal tuwing Huwebes at  9 at  zero ay bawal naman pag Biyernes.

Sinabi ni Lim ang pinakamainam pa rin aniyang solusyon sa trapik ay pairalin ng bawat isa ang disiplina sa kalsada.