Abante Tonite Interactive

Number coding sinuspinde

0 223

Naglabas kahapon ng abiso ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na walang number coding sa mga panguna­hing lansangan ng Kalakhang Maynila simula Miyerkoles Santo (Abril 17) hanggang Lunes (Abril 22).

Ayon sa MMDA, sinuspinde ang number co­ding para matiyak na mayroong sapat na bilang ng mga bibiyaheng public utility vehicle para sa mga mag-uuwian sa kanilang mga probinsya at hayaang makapagbiyahe ang mga may sariling sasakyan hanggang matapos ang Semana Santa.

Samantala, inihayag din ng MMDA na higit 1,600 traffic personnel ang kanilang ipapakalat sa mga pangunahing lansangan, transport terminal at iba pang estratehikong lugar sa Maynila para magmando ng trapiko simula Miyerkoles Santo hanggang sa Lunes.

Magpapatupad umano ng “no day off and no absent policy” sa mga traffic enforcer ng MMDA bilang bahagi ng kanilang “Oplan Metro Alalay Semana Santa”. (Armida Rico)