Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Nunal

0 186

Napakaraming pamahiin na nadidinig tayo tungkol sa nunal, depende kung saan ito makikita.

Ang kasabihan ay kung nasa ulo ang nunal, matalino ang taong ito. Kung nasa mukha, kitang kita agad at iba’t iba ang sinasaad. Sa kilay ay katanyagan at kayamanan, sa labi, mabait at gustong sinasamahan ng mga kaibigan, sa pisngi mapagmahal. Sa leeg naman, mahilig sa sining, ngunit kung minsan ay hindi makatanggap ng katwiran. Sa likod ay responsable at kung sa paa ay lakwatsero. Totoo man o hindi, hindi talaga dinidikta ng nunal ang buhay ng isang taong may nunal. Ngunit paano kung magbago ito ng puwesto, tanong sa atin ngayong linggong ito. Masama po bang pakialaman, delikado ba ang nunal at pwedeng kumalat?

Ang nunal o mole o melanocytic nevus ay isang imperfection sa balat kung saan namuo ang kumukulay sa ating balat, ang tawag ay melanocytes. Medyo maitim na maaaring flat o bumubukol ang mga ito. Mas iitim pa kung mabilad sa araw, nagbibinata o nagdadalaga, o magbuntis. Maaaring makita agad sa mga sanggol, ngunit maaaring magkaroon ng mga bagong nunal sa edad na 30 hanggang 35 na anyos. Kadalasan namamana ito o di kaya depende sa tagal ng pagbilad sa araw. Tatlong klase ang mga nunal. Ang regular, irregular, at cancerous. Kadalasan benign ang mga ito, mapa pino ang paligid o hindi at hindi masyadong magbabago. Ngunit kung napapansin na nagiiba ang hugis, lumalaki, o kakaiba na, maaaring ito ay melanoma o isang tipo ng kanser ng balat. Ang mga dermatologists ang kumukuha ng sample nito at ginagawan ng biopsy upang malaman kung kanser nga ba o hindi.

Sa mga may nunal, ang payo ay obserbahan ang mga ito. Ugaliing eksaminin, tingnan kung ganon pa din ang itsura ng mag ito khit buwan buwan. Gumamit ng malaking salamin kung kakayanin. Ang pageksamin sa sarili ay ulitin sa parehong pamamaraan ng sa ganon ay walang makaligtaang tingnan. At huwag din kalimutan ang anit at leeg.

Ang pinakamahalaga ay maprotektahan natin ang ating mag balat sa araw. Maglagay ng sunscreen o protection kahit SPF30 sa mga bahagi ng katawan na hindi matatakpan ng damit. Kung kinakailangang magbilad sa araw, sa oras lamang ng 7am-9am at 3pm-5pm. Kung hindi rin maiiwasan, gumamit ng mga damit na magtataklob sa inyong katawan at balat pati ang paggamit ng sumbrero.

Ang mga nunal ay isa pa sa mga magbibigay sa atin ng ating uniqueness at individuality, pamahiin man o hindi. Alagaan din natin ang mga ito.

Hanggang sa susunod ! Stay Healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.