Abante Tonite Interactive

Nurse, 1 pa arestado sa ‘Baby for Sale’

By ,
600

Inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang registered nurse at ang kasabwat nitong babae matapos mabuking ng mga awtoridad ang pagbebenta ng isang sanggol na may tatlong buwan pa lamang, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal III nitong Lunes nang hapon.

Kinilala ni NBI Director Dante Gierran ang mga dinakip ng mga operatiba ng International Airport Investigation Division ng ahensiya na sina Cathe­rine Lagustan, isang registered nurse, at April Rose Ramirez.

Base sa ulat ng NBI, si Lagustan ang bumili ng sanggol kay Ramirez sa halagang P30,000 dahil gusto umano nitong patunayan na naanakan siya ng kanyang nobyo.

Nagkaroon umano ng kontak sa isa’t isa sina Lagustan at Ramirez sa pamamagitan ng Facebook page na Babies Home.Ph na sangkot diumano sa iligal na pagbebenta ng mga sanggol.

Matapos magkasundo, lumuwas si Ramirez sa Maynila galing Cagayan de Oro para dalhin ang sanggol kay Lagustan sa NAIA Terminal 3 kapalit ng halagang P30,000.

Pero nagbago umano ang isip ni Lagustan matapos makitang may bingot (cleft palate) ang sanggol na binebenta sa kanya ni Ramirez. Sa kabila nito, nagpahayag pa rin umano ng kahandaan si Lagustan na ibigay ang P30,000 at magbibigay pa ng karagdagang P3,500 para sa ina ng sanggol.

Binigyan pa umano ni Lagustan ng P26,000 si Ramirez para sa biyahe nito pauwi.

Ibinigay umano ni Ramirez ang sanggol kay Lagustan at umalis sandali. Pero nainip umano si Lagustan nang hindi pa bumabalik si Ramirez kaya humingi na ito ng tulong sa airport police.

Pagbalik ni Ramirez ay hindi nito nakita sa pinag-iwanang lugar si Lagustan at ang sanggol kaya humingi rin ito ng tulong sa airport police.

Doon na umano naghinala ang mga awtoridad na may nagaganap na child trafficking kung kaya’t ini-report ito sa NBI.

Kinasuhan na ang dalawa sa Pasay City Prosecutor’s Office ng child trafficking. Kasamang sinampahan ng kaso ang ina ng sanggol na kinilalang si Shiela Marie Mandawe na taga-Cagayan de Oro.

Nabatid umano sa imbestigasyon na anak sa ibang lalaki ni Mandawe ang ibinebentang sanggol at gusto na nitong mawala sa kanya dahil may asawa na siya.

Ibinigay naman ang sanggol sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development.