Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Obiena inspirado pagbitbit ng bandila

0 42

Malaking motibasyon kay pole vaulter Ernest John Obiena ang gagampanan nitong tungkulin bilang flag bearer ng Team Philippines sa 31st Southeast Asian Games na opisyal nang magbubukas ngayong araw.

Dumating si Obiena sa Hanoi mula sa Formia, Italy Miyerkoles na eksakto para sa opening ceremonies Huwebes sa My Dinh National Stadium ng ika-31 na edisyon.

Ang 26-anyos na si Obiena, ang ikaanim na pinakamahusay na pole vaulter sa mundo bagaman pinakamahusay sa Asya na may marka sa World Athletics na 1374, ay hinirang na flag-bearer ng Team Philippines, kasama sana ang Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz, ngunit nagpasya ang weightlifting superstar na ibigay sa athletics member.

“It’s a bigger honor kasi because ate Hidi (Diaz) said it should be me,” sabi ni Obiena pagdating sa Noi Bai International Airport.

Ang flag-bearing duties ay nakalaan para sa pinakamahusay na atleta ng isang bansa at ang appointment ni Obiena sa SEA Games ay isang balidasyon sa kanyang malawak na nagawa sa isport bilang isang world-class na atleta.

Kaya naman asam ni Obiena na hindi bababa sa gintong medalya ang makuha sa pole vault, kung saan siya ang napakalaking paborito sa kanyang personal na best at Philippine record na 5.91 metro, na nakamit sa Meeting de Paris sa Stade Charlety, Paris noong Agosto 28 nakaraang taon.

Mas mataas ito ng halos kalahating metro kumpara sa record ng SEA Games na 5.45 meters na itinakda niya mismo sa pagkapanalo ng ginto noong Philippine SEA Games taong 2019.

“I’m representing athletes competing in the SEA Games, but also 100 million Filipinos back home,” sabi ni Obiena sa pangakong ipagmalaki ang kanyang mga kababayan.

Ang mga kompetisyon sa SEA Games, na may temang “For a stronger South East Asia,” ay magaganap sa Hanoi at 11 kalapit na lokalidad hanggang Mayo 23. (Lito Oredo)

Leave A Reply

Your email address will not be published.