Abante Tonite Interactive

Obiena naipit sa Italy

670

Naipit sa Italy kaya hindi muna agad makakauwi ng ‘Pinas ang unang atleta ng bansa na nag-qualify na sa 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Tokyo, Japan sa darating na Hulyo, na si Ernest John ‘EJ’ Obiena. Sumasailalim sa pagsasanay sa nasabing European country ang reigning Universiade at Asian Athletics Championships gold medalists dahil sa total lockdown doon sanhi marami nang mga namatay roon sa COVID-19.

Isiniwalat ng ina ng pole vaulter na si Jeanette Obiena kahapon, na pinag-iingat niya ang anak dahil sa matinding situwasyon sa Italy, na kasalukuyang may pinakamataas sa ngayon na mga nasasawi mula sa sakit. May isang araw lang na 800 ang namatay at umabot na sa pangkalahatang 5,000 ang mga yumao.

Nasa Fornea, Italy ang 24-anyos na si Obiena, na isa sa apat na Pilipinong qualified na sa 2020 Tokyo Olympics.

“Tuloy lang naman ang training niya roon. Kaya lang, kahit gusto niyang umuwi dahil nag-aalala rin siya sa COVId-19 ay hindi siya makakaalis dahil sa lockdown,” sabi ng ina ng manlalaro.

Huling nakamedalyang ginto sa 30th SEA Games PH 2019 si EJ bago bumalik sa Italy para ipagpatuloy ang kanyang pagsasanay sa ilalim ni kilalang coach na si Vitaly Petrov.

Aliga si Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) president Philip Ella Juico sa batang Obiena na manatili sa Italy lalo’t patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga namamatay roon dahil sa COVID.

Qualifiers na rin sa Tokyo Games sina gymnast Carlos Edriel Yulo at mga boxer na sina Eumir Felix Marcial at Irish Magno. (Lito Oredo)