Abante Tonite Interactive

Obrero nahulog sa condo, ulo nabagsakan ng bakal

413

Nasawi ang isang construction worker matapos mahulog at tinamaan pa ng bakal sa ulo na kasama niyang nalaglag mula sa ika-23 palapag ng ginagawang condominium kahapon sa España Blvd., Sampaloc, Maynila.

Namatay agad dahil sa matinding pinsala sa ulo ang biktimang si Jumar Sanchez y Pacano, taga-Tanauan St., Dara­ngan, Binangonan, Rizal.

Ayon kay P/Lt. Colonel Robert Domingo, station commander ng Manila Police District-Police Station 4, nasa ika-23 palapag ang biktima nang matapakan at kumalas ang isang andamyo dahilan para mahulog ang biktima kasama ang bakal sa harap ng ginagawang condo sa tabi ng bunton ng buhangin.

Naganap ang insidente dakong alas-10:30 nang umaga.

Inaalam pa ng pulisya kung bakit nakalas at bumagsak ang bakal.

Iimbestigahan rin kung may pananagutan ang construction company dahil sa kawalan ng mga safety net.

Dinala ang bangkay sa Archangel Funeral para sa awtopsiya. ­(Juliet de Loza-Cudia)