Abante Tonite Interactive

Obstacle Challenge kay Belga; 3-point king si James Yap

By
925

Si Beau Belga ang pinakamaliksi at pinakamabilis sa big men ng PBA, pinagharian ang PBA All-Star Obstacle Challenge sa Batangas City Sports Center kahapon.

Pinakain ni Belga ng alikabok sina Poy Erram at Gabby Espinas sa final.

Nagsumite ang Rain or Shine big man ng 21.7 seconds sa championship round, sapat para ungusan ang 29.6 ni Erram at 30.5 ni Espinas sa event na hatid ng Phoenix Fuel with Pulse Technology.

“Na-challenge ako kasi defending champion ang teammate ko,” lahad ni Belga patungkol kay Ma­verick Ahanmisi na na­ngibabaw sa kompetisyon noong nakaraang taon.

“Sabi ko lang, I’ll try,” dagdag niya matapos ibulsa ang P30,000 prize. “Sa akin naman, ‘wag lang ma-out sa first round.”

Taob kay Belga ang iba pang bigs ng liga na sina Justin Chua, Kelly Nabong, Yousef Taha na pare-parehong pumasok sa semifinals, at mga nalaglag na sa first round na sina Russel Escoto, Sonny Thoss, Aldrech Ramos, Ken Bono, Asi Taulava at Raymond Aguilar.

Binawi naman ni James Yap, ang korona ng Three-Point Shootout sa PBA All-Star Week.

“Puwede pa rin pala,” nakangiting sambit ni Yap, nag-uwi ng P30,000 prize. “Sobrang happy ako na after nine years nanalo ulit ako.”
Unang itinaas ni Big Game James ang tropeo noong 2009.

Sa final round ng event na hatid ng Phoenix Fuel with Pulse Technology, isa lang sa money balls ang naisablay ni Yap tungo sa 24 points.