Abante Tonite Interactive

Ochoa gold sa world jiu-jitsu, 2 pang pinay silver medalist

1,045

Hinalibas ni Filipina-Brazilian Jiu-jitsu specia­list Margarita ‘Meggie’ Ochoa ang makinang na gold nitong weekend sa Abu Dhabi Grand Slam Jiu-Jitsu World Tournament sa London.

Binasag ng 28-anyos na si Ochoa, kinakatawan ang ATOS Jiu-Jitsu, ang apat na iba pang Purple Belts para maibulsa ang top prize sa Female Adult 49KG division.

Inipit ni Ochoa ang kalabang si Luna Barea ng Spain sa semifinals bago pinatumba si Fransisca Nelson ng Indonesia sa loob lang ng halos limang minuto, diretso sa pag-angkin ng suwabeng tagumpay.

Kinukunsiderang isa sa pinakamagagaling na grapplers sa ‘Pinas, tinanghal si Ochoa na three-time International Brazilian Jiu-Jitsu Federation (IBJJF) world champion at nakapagbitbit na ng maraming korona sa iba’t ibang torneo sa jiu-jitsu sa iba’t ibang panig ng mundo.

“Jiu-jitsu is my worship to glorify our God to the best of my ability, whatever the result. This weekend, He allowed for this victory at the @uaejjf Abu Dhabi Grand Slam Jiujitsu World Tour in London,” bulalas ni Ochoa.

“And I am just so grateful and joyful, not just for the victory but knowing that He is in control and that His plan is perfect and beyond what we can imagine!”

Dalawa pang Pinay ang bumatak ng silver medal sa dalawang araw na torneo buhat kina Kaila Napolis, sumegunda sa Female Adult 55KG Purple Belt division, at Annie Ramirez na kumayod nang husto sa Female Adult 62KG Purple Belt division.