Abante Tonite Interactive

Office of the Security Guard

By
3,196

Naging suki ng batikos nitong mga nagdaang araw si Solicitor General Jose Calida matapos mabuking ang P150 milyong kontratang nasungkit ng Vigilant Investigative and Security Agency Incorporated mula sa anim na ahensiya ng gobyerno, kabilang na dito ang Department of Justice (DOJ).

Depensa agad ni Ca­lida, walang conflict of interest dahil nag-resign na raw siya sa family company nung italaga siya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Solicitor General noong 2016. Ang kanyang asawa na si Milagros Calida na ngayon ang tumatayong presidente at chairman ng Vigilant, habang ang anak na abogado na si Josef Calida ang vice president at corporate secretary at treasurer naman ang isa pang anak na si Michelle.

Sa kabila nito, lumilitaw na 60 percent ng shares ng Vigilant ay nakapangalan pa rin kay Jose Calida as of September 29, 2016. Marami tuloy ang nagtatanong kung bakit hindi sinisibak sa trabaho at kinakasuhan si Calida eh halos kapareho lang sila ng sitwasyon ni Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo Jr. na kinasuhan ng graft dahil mayroon daw siyang financial interest sa family company na nakasungkit ng kontrata sa gobyerno.

Abante Hiring – IT dep

Hindi tayo abogado para suriin kung pareho ang paglabag sa batas nina Floirendo at Calida. Ang alam ko lang, si Floirendo ay mortal na kaaway ni House Speaker Pantaleon Alvarez na siyang nagsampa ng kaso sa Ombudsman laban sa dating BFF. Si Calida naman, siya ang naghain ng quo warranto petition sa Supreme Court na siyang tuluyang nagpatalsik kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, ang mortal na kaaway naman ng Pangulo. Dun pa lang, makikita na kung bakit di masisibak si Calida.

Para ka tuloy nanonood ng boksing na kahit bugbog at wasak na ang mukha ni Calida, ayaw pa ring ipatigil ng referee ang laban. Kaya asahan nating magpapatuloy ang pagwakwak kay Calida sa mga susunod na araw.

Marami na ngang nag­lalabasan na memes kay Calida na nakasuot ng uniporme ng security guard. Kahit nakakatawa pagmasdan ang larawan, malaki ang tama nito sa reputasyon ni Calida. Binago pa nga ng netizens ang OSG dahil imbes na Office of the Solicitor General, ginawa nila itong Office of the Security Guard dahil sa multi-milyong pisong negosyo ni Calida.

Pero mas guwapo pa rin ang porma ni da­ting presidential son na si Juan Miguel “Mikey” Arroyo nung kumalat ang kanyang memes. Remember, naging no­minee si Arroyo ng Ang Galing Pinoy Party-list organization na kuma­katawan umano sa mga security guard at tricycle driver.

Binasbasan pa ng Commission on Elections ang nominasyon kay Mikey sa nasabing party-list organization noong 2010 elections, pero noong 2013 dinis­kuwalipika na ang Ang Galing Pinoy dahil hindi naman daw totoong kumakatawan sila sa mga security guard at tricycle driver.

Sino naman kaya ang susunod na model ng mga security guard? Kung sino man iyon, sana ay sila na yung tunay na magpapaangat sa working condition ng mga sikyo, pati na sa usapin ng kanilang suweldo, allowance at benepisyo.