Abante Tonite
Mabilis sa Balita

OFW galing UAE nag-uwi ng bagong COVID

0 67

Nakapasok na sa Pilipinas ang COVID-19 variant na unang nadiskubre sa United Kingdom.

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) at ng Philippine Genome Center (PGC) na may B.1.1.7. SARS-CoV-2 variant (UK variant) na sa bansa matapos na magpositibo ang genome sequencing result sa kinuhang sample sa isang overseas Filipino worker (OFW) na galing sa United Arab Emirates (UAE) noong Enero 7.

Ayon sa DOH, isang lalaki ang pasyente at taga-Quezon City na umalis sa Dubai noong Disyembre 27, 2020 at dumating sa Pilipinas nitong Enero 7, 2021 sakay ng Emirates flight no. EK 332.

Isinailalim ito sa swab test at dinala sa isang hotel para i-quarantine.

Nagpositibo sa swab test ang pasyente matapos lumabas ang resulta kinabukasan at ini-refer ito sa isang quarantine facility sa Quezon City.

Habang ang sample na kinuha sa kanya ay dinala sa PGC para sa genome sequencing.

May kasama umanong babae ang pasyente pero negatibo ito sa swab test nang dumating sa bansa. Gayunman, isinasailalim na umano ang babae sa istriktong quarantine at monitoring.

Nalaman na ang mga ito ay wala namang exposure sa kumpirmadong kaso ng UK variant pag-alis nila sa Dubai o anumang biyahe sa labas ng Quezon City.

Nagsasagawa na nag contact tracing ang DOH. Nakakuha na rin ng flight manifest ang DOH para sa contract tracing sa mga pasaherong nakasakay ng naturang Pinoy. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.