Abante Tonite Interactive

OFW ginapos sa puno, na-rescue

533

Kumalat sa social media ang lara­wan ng isang overseas Filipino worker na biktima ng pagmamaltrato makaraang itali ng kanyang amo sa puno sa Saudi Arabia.

Sa nasabing post, sinabi na taga-La Union ang Pinay at nangangailangan ng tulong mula sa kanyang amo sa Riyadh.

Kinumpirma naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Pinay worker na si Lovely Acosta Baruelo, nasa hustong gulang.

Ayon sa DFA, ligtas at nakauwi na sa bansa si Baruelo. Dakong alas-8:55 Huwebes ng gabi nang dumating ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

“Philippine Embassy in Riyadh reported that the case of OFW Baruelo was referred to them on 9 May, and she was repatriated on the same day,” ayon sa DFA.

Ayon sa Philippine Embassy sa Riyadh, pinarusahan umano ang Pinay worker ng kanyang Arabong employer kaya sa pamamagitan ng pagtali dito sa puno.

Ani naman sa comment ng isa umanong kasamahan ng biktima sa post ni Sononir Cabrera Kristina kaugnay ng insidente, pinarusahan si Baruelo ng kanyang amo dahil inilabas nito ang isang furniture para paarawan umano.

Gayunman, giit ng mga netizen hindi ito sapat para parusahan ang OFW.

Bukod umano sa insidente na nakuhanan ng larawan, dumanas pa umano ito ng iba pang pagmamaltrato mula sa kanyang amo. (Armida Rico)