Abante Tonite Interactive

OFW hinataw ng tubo sa ulo ng lover

688

Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District ang isang 24-anyos na lalaki nang paulit-ulit nitong hatawin ng tubo sa ulo ang kinakasamang overseas Filipino worker (OFW) sa harap ng kanilang 3-anyos na anak kamakailan sa Makati City.

Nahaharap ngayon sa kasong frustrated murder sa Manila Prosecutors Office ang suspek na si Ryker Grieco Shafer, 24-anyos, ng Benito St., Makati City matapos ireklamo ni Danica Nunez, 26, OFW sa Singapore.

Si Shafer ay naaresto ng mga tauhan ng MPD-PS6 dakong ala-1:00 nang madaling-araw sa may San Jose St., Guadalupe Nuevo, Makati City noong nakalipas na linggo sa bisa na rin ng warrant of arrest

Bukod sa nabanggit na kaso, sinampahan rin ng paglabag sa RA 9165 kilala bilang Dangerous Drug Act of 2002 si Shafer matapos makunan ng dalawang sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana at fruiting top, 2 sachet ng shabu at isang sachet na pinaniniwalaang cocaine.

Nabatid na nag-viral sa social media at idinulog pa ng kapatid ni Nunez na si Danielle sa programa ni Raffy Tulfo ang ginawa ng suspek sa kanyang ate.

Nag-ugat umano ang tangkang pagpaslang sa biktima nang tumanggi itong makisama kay Shafer matapos na mahuli na may ka-sex na babae sa loob ng kanilang kuwarto.

Pinalayas umano ang suspek pero bumalik ito sa bahay ng biktima noong Setyembre 2 at hinimok na magsama silang muli ng biktima. Nang tumanggi si Danica, dito na siya paulit-ulit na hinataw ng tubo. (Juliet de Loza-Cudia)