Abante Tonite Interactive

OFW ID naging gatasan ng mga tiwali sa gobyerno

By
480

Isang taon matapos ilunsad ang i-DOLE card o OFW card ay nalantad na pinagkakitaan at ginawang gatasan ito ng ilang tiwali sa gobyerno.

Kung hindi pa nagsalita si OFW Party-list representative Aniceto Bertiz III ay hindi mala­laman ng publiko na may bayad ang pagkuha ng i-DOLE card gayong dapat ay libre ito tulad ng naunang inihayag noon ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

Katunayan, P720 ang singil umano sa i-DOLE card at kahit hindi overseas Filipino worker ay nakakakuha ng nabanggit na ID.

Pero wala ring naging silbi ang i-DOLE card o OFW card maliban sa pampakapal lamang ito sa pitaka o wallet ng mga manggagawang nagtatrabaho sa abroad.

Nabuo ang konsepto ng OFW card para ma­ging pamalit sa Overseas Employment Certificate (OEC) na kinakaila­ngang kunin ng isang OFW bago bumiyahe sa abroad, dahil mas mapapabilis ang transaksiyon.

Pero matagal nang iniaangal ng mga OFW ang OEC dahil sa paniwalang pinagkakakitaan lamang ito ng mga taga-gobyerno. Panahon pa ni kopong-kopong ay naririnig ko na ang OEC sa mga OFW na nagtutungo sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), at kailangang dumalo ng kalahating araw na seminar para maisyuhan nito.

Sinabi naman ni Secretary Bello na ipinatigil na niya ang pag-iisyu ng i-DOLE card matapos makarating sa kanya ang report na mayroon umanong gustong kumita sa project. Hello sir, pinagkakitaan na po ng halos isang taon ‘yan. Kaya nga nabunyag dahil alam ng mga OFW na libre ‘yan at ang dapat magbabayad ay ang employer ng mga manggagawang Pinoy.
Sa ngayon ay hindi na nag-iisyu ang DOLE ng nabanggit na card at nag-iisip na umano ang kalihim ng sistema na hindi kailangan gumastos ang gobyerno at ang OFW sa ID card.

Sana naman magkatotoo ito para patunayang para sa pagbabago ang administras­yong ito, at hindi lang pabalat-bunga o ningas-kugon lalo na at matagal nang naghihintay ng tunay na pagbabago ang mga Filipino.

Malapit si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga OFW at hindi pa siguro nito batid na pinagkakuwartahan ang i-DOLE card. Humanda ang mga ganid at sakim sa kuwarta dahil tiyak na may mawawalis kapag nakarating sa Malacañang ang isyung ito.