Abante Tonite Interactive

OFW kinulong sa Saudi, nagpapasaklolo

By
364

Nagpatulong na ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Department of Foreign Affairs (DFA) para masaklolohan ang isang overseas Filipino worker (OFW) na taga-Bacolod na inaresto at ikinulong sa Riyadh, Saudi Arabia.

Ayon kay Rizza Joy Moldes ng OWWA-Bacolod, pinaniniwalaang nag-ugat ang kaso ng 27-anyos na si Wilmar Sayson na isang caregiver sa Saudi Arabia matapos na kuhanan nito ng video ang kanyang inaalagaan.

Aniya, ipinagbabawal sa mga bansa sa Gitnang Silangan ang pagkuha ng video nang walang pahintulot.

Nabatid umano nila sa kinatawan ng Amera Manpower, ang hiring agency ni Sayson, na nakakulong pa rin ito at patuloy pang iniimbestigahan ang kanyang kaso. Hindi pa umano nila matiyak kung anong kaso ang isasampa ng employer ni Sayson.

Nabatid na noong nakaraang linggo ay nag-post ng mga video sa Facebook si Sayson, na residente ng Brgy. Handumanan sa Bacolod, na humihingi ng tulong.

May live video pa si Sayson noong Set­yembre 25 kung saan ay makikitang umiiyak ito matapos suntukin ng kanyang among lala­ki na nagamit diumano dahil sa gawa-gawang kuwento ng kasamahan niyang caregiver.

Napag-alaman na nagtungo si Sayson sa Saudi Arabia noong Agosto 2017 para sa dalawang taong kontrata bilang household worker. Pero sinibak umano ito ng kanyang amo at hindi binigyan ng suweldo.

Ini-report ng kanyang pamilya ang insidente sa tanggapan ng OWWA sa Bacolod noong Setyembre 26.

Sa kuwento ng kanyang ina na si Susan Sayson, nabatid na tinutulungan sila ng kanyang anak pero dahil sa sinapit nito sa Saudi Arabia ay wala na silang nais kundi ang makauwi ito sa kanila.