Abante Tonite Interactive

OFW pinatay ng kababayan, nilibing sa septic tank

2,249

Nakikipag-ugnayan na ngayon ang South Korean Police sa mga awtoridad ng Pilipinas upang ares­tuhin ang isang Pinoy na pangunahing suspek sa pagpatay sa isang overseas Filipino worker (OFW) na natagpuan ang mga labi sa septic tank ng pinapasukang pabrika.
Ito’y dahil naniniwala ang South Korean Police na nakauwi na sa Pilipinas ang pangunahing suspek sa krimen.
Ayon kay Philippine Ambassador to South Korea Raul Hernandez, bagama’t kilala na ang suspek ay patuloy pa rin ang pagkalap ng mga ebidensiya ng South ­Korean Police laban sa nasabing Pinoy na ­itinuturong kilala ng biktima.
“Ayaw pang magsabi ng mga pulis kung ano mga ebidensya pero mukhang kaibigan, magkaibigan sila, magka­kilala sila,” pahayag ni ­Hernandez.
Tumanggi si Hernandez na pangalanan ang suspek pati na ang biktima habang wala pang opisyal na ulat ang South Korean Police. Sinabi pa nito na hindi nararapat na ilabas ang pangalan ng biktima pati na ang suspek upang hindi masira ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya.
Inihayag nitong Sabado, Mayo 5, ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isang factory worker ang biktima at nagtungo sa South Korea noong 2016 pero nawala nang nasabi ring taon hanggang sa natagpuan ang mga labi nito sa septic tank noong Abril.
Ayon kay Hernandez, agad na iuuwi ang mga labi ng biktima kung hindi na kinakailangan sa ­imbestigasyon. (Armida Rico)