May panibagong development umano sa isyung kinasasangkutan nina Kim Chiu at Ogie Diaz.
Ayon sa isang source, nakipag-ugnayan umano si Ogie kay ABS-CBN executive Cory Vidanes upang maayos ang hindi nila pagkakaunawaan ng Chinita Princess.
Isa umano sa mga pinag-uusapan ay kung handa na bang makipagharap at makipag-usap si Kim upang tuluyan nang maayos ang kanilang gusot.
Ayon pa sa source, wala namang pagtutol si Ogie kung magkakaroon ng pagkakataong magkaharap sila ni Kim. Layunin umano nitong malinawan ang magkabilang panig at matapos na ang isyung naging mainit na usapin sa social media.
Dagdag pa ng source, posible umanong ipatawag ng management ang dalawa upang magkaroon ng maayos na pag-uusap. Gayunman, wala pang itinakdang petsa at wala ring opisyal na kumpirmasyon kung kailan ito maaaring mangyari.
Anyway, umaasa naman ang kanilang mga tagasuporta na tuluyan nang maaayos ang gusot sa pagitan ng dalawa sa pamamagitan ng personal na pag-uusap.
Sa pakikipag-chat ng Abante Tonite kay Ogie Diaz, sey niya, “I said on our vlog that nagkakuwentuhan kami ni tita cory about it and i told her, willing naman akong makipag usap. Yan ay kung gusto ni Kim. Pero kung ayaw niya, wala naman ding problema. As i always say, maliit lang ang mundo. Magkikita’t magkikita pa rin kami. Pero kung happy siya na ‘di ako pansinin forever, ang importante happy siya.”
Samantala, hati ang opinyon ng mga netizen tungkol sa isyu.
“Naku, huwag na siyang makipagbati diyan. Ginagamit lang nila si Kim para maging trending din sila.”
May isa namang naniniwalang sapat na ang simpleng paghingi ng paumanhin. Anila, “Humility and respect lang naman ang kailangan. Walang mawawala kung magsasabi ng sorry.”
May ilan ding nagtanggol kay Kim at nagsabing hindi naman umano masama ang kanyang intensyon. Para sa kanila, pinalaki lamang ang isyu at nakadagdag pa ito sa muling pag-usbong ng pangalan ni Ryzza Mae sa social media.
Sa kabilang banda, may mga netizen ding nagsabing mas maganda sanang agad na humingi ng paumanhin si Kim upang tuluyan nang matapos ang kontrobersiya.
Habang wala pang opisyal na pahayag mula sa magkabilang kampo, patuloy namang inaabangan ng publiko kung magkakaroon nga ba ng pagkakataon na magharap sina Kim Chiu at Ogie Diaz at tuluyan nang isara ang umano’y gap nila.











