Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Oh my atay

0 156

Isa sa pinakamagandang organo ng ating katawan ay ang ating atay o liver. Ito ang sentro ng metabolismo at nag aayos ng karamihan ng kemikal na lebel ng ating dugo. May inilalabas itong produkto ang tawag ay bile o apdo para naman sa metabolism ng taba na nakakain natin. Ito rin ang isa sa mga tumutulong na mailabas ang mga toxins o basura ng ating katawan. Lahat ng dugo na nanggagaling sa tiyan at bituka ay dumadaan dito. Ngunit ang pinakamagandang aspeto ng atay ay ang regenerating na kapasidad nito. Ibig sabihin ay kahit kalahati na lamang ang matira nito, masira man o maoperahan, maibabalik pa din ang orihinal nitong laki. Ang atay lamang ang nakakagawa nito. Itong linggong ito, naitanong sa atin, “kung ganito pala kaganda ang atay, bakit madami pa din ang nagkakasakit nito. kinakailangan pang maoperahan at may mga pagkakataon pang ito ang dahilan at ikamatay nila. Paaano din mapapanatiling malusog ang atay?”

Bagamat napakaganda ng atay, dahil sa kaniyang sitasyon ay napakadami pa din maaaring mangyari dito at magkasakit. May mga stages ang pagsira ng atay. Ang una ay inflammation o pamamaga. Ang pangalawa ay fibrosis o scarring. Ito ang paghilom ng atay na maaaring umayos o magpeklat. Ang pangatlo ay cirrhosis o malalang pagkapeklat na hirap nang mapaandar ito. ang huki ay end stage liver disease o hindi na talaga gumagana.

Madaming kaaramdaman ang maaaring makaapekto sa atay. Andyan ang impeksyon dala ng mga virus gaya ng hepatitis A, B, at C. Kasama din ang epekto ng pagkain, mga gamot, lason, o alak, tulad ng fatty liver at cirrhosis. Kabilang na din ang kanser at mag ilang sakit na namamana gaya ng hemochromatosis at Wilson disease.

Ang mga sintomas na mararamdaman ay ang mga sumusunod: paninilaw ng balat at mata o jaundice, pananakit sa gawing itaas na kanan ng abdomen, sobrang paglaki ng tiyan, paghilo at pagsuka, panghihina, nalilito at antukin. Kung maramdaman ang alinman sa mga nabanggit ay kumunsukta sa inyong doktor.

Mayroon din namang paraan para panatiliin na malusog ang ating atay. Unang una ay kailangan well hydrated tayo. Uminom ng madaming tubig. Manatiliin ang maayos na timbang at kumain ng maayos at wastong pagkain. Magehersisyo ng regular at iwasan ang mga toxins, kemikal at bawal na gamot. Iwasan ang alak. Huwag ipagamit sa iba ang mga personal na kagamitan. Kung nagkataon na maduguan, hugasan ang parte at magpatingin agad sa doktor. Panatiliin ang personal na kalinisan. Alalahanin ang kaligtasan kahit nakikipagtalik. Higit sa lahat ay magpabakuna laban sa hepatitis.

Napakaganda ng atay, siguruhin natin makuha natin ang napakagandang banipisyo nito.

Hanggang sa susunod ! Stay Healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.