Abante Tonite Interactive

Okada customer kinidnap

319

Dalawang Chinese­ national ang dina­kip matapos umanong iligal na ikulong ang isang Singaporean dahil sa umano’y utang sa pagsusugal sa casino sa Okada Parañaque City kahapon.

Kinilala ang dalawang­ suspek na sina Cong Zou, 26, at Chunwen Ouyang, nasa hustong gulang, kapwa turista at pansamantalang naninirahan sa Room 504 5th Floor Crown Bay Tower, Roxas­ Boulevard, Baclaran, Parañaque City.
Nailigtas naman ng mga awtoridad ang biktimang si Low Junbin, 29, isang turistang Singaporean, nakatira sa Lavie Flats Hotel, Alabang, Muntinlupa City.

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), nasagip si Junbin sa loob ng condo unit ng dalawang suspek sa Parañaque City alas-12:30 nang hapon.

Sa report, Marso 13 ng alas-kuwatro nang hapon, nagtungo ang biktima sa Okada Manila Gaming Area at naglaro sa casino. Makalipas ang isang oras nagpasya si Junbin na mag-withdraw sa ATM machine subalit walang lumabas na pera.
Dito’y inalok siya ng mga suspek na pahiramin ng P500,000 halaga ng chips na may kaakibat na terms and condition na tinanggap umano nito kapalit ng kanyang ATM card.

Ilang oras ang nakalipas, ipinabatid ng mga suspek sa biktima na kinain ng machine ang kanyang ATM card.
Pagsapit ng ala-una nang madaling-araw ng Marso 14, sumakay ang biktima at mga suspek sa isang taxi patungo sa unit nina Zou at Ouyang. Dito na umano ikinulong si Junbin at hiningan ng malaking pera ang kanyang pamilya kapalit ng kalayaan nito.

Nagawa namang makausap sa cell phone ng biktima ang kanyang mga kaibigan na humingi ng tulong sa pulisya kaya nagsagawa ng police/rescue operation na ikinadakip ng dalawang suspek.