Abante Tonite Interactive

Okada sex den ng POGO

1,009

Sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang mga malalaking hotel sa Pasay City para masugpo ang pag­laganap ng mga sex den na kadalasang parok­yano ay mga Chinese ng Phi­lippine Offshore Ga­ming Ope­rators (POGO).

Sa ginanap na Senate hearing ng Committee on Women, Children, Fa­mily Relations and Gender Equality, binunyag ni NBI Anti-Organized and Transnational Crime Division chief Joel Tuvera na nagsagawa ng raid ang kanilang unit sa Okada Manila, Eurotel Hotel, St. Giles Makati Hotel, Red Planet Hotel, ilan pang KTV bar at condotel sa Las Piñas.

Nagpasa ang NBI ng listahan sa Senado kung saan kasama rin sa mga ni-raid ang isang condominium sa Makati at Go Hotel sa Baclaran, bagama’t tinanggi ng huli ang sinasabing iligal na gawain sa kanilang hotel.
Kinumpirma ni Tuvera na mayroong mga na-rescue na kababaihan sa kanilang pag-raid sa mga hotel ngunit hindi na dinetalye kung saan ang eksaktong lokasyon ng sex den operation.

Ayon kay Tuvera, may mga ilang sex den umano na inookupa ang isa hanggang dalawang floor ng hotel.

Nagdaos ng pagdinig ang Senate Committee on Women, Children, Fami­ly Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Senador Risa Hontiveros kaugnay ng laganap na prostitusyon at sexual trafficking bunsod ng pamamayagpag ng POGO.
Marami sa mga hotel management ang nagsabi na hindi nila alam ang iligal na operasyon sa loob ng kanilang hotel kaya naman nakikipag-cooperate sa NBI.

“We are of the opinion that they have the know­ledge because they have all the means, all the time to check what’s going on,” katwiran naman ni Tuvera.

Ayon sa NBI, madalas silang makakuha ng tip sa mga barangay official at security guard ng gusali kaugnay ng mga sex den o tinatawag na ‘wet market’ dahil malimit ang mga parokyanong dayuhan at trapik sa lugar.

Karaniwang kalakaran na ipinapadala ang picture ng mga babae sa online at dito na namimili ang mga Chinese POGO worker. Malimit na naghihintay na lang sa hotel room ang babae para sa darating na customer.

Nauna nang sinabi ni Hontiveros na ire­rerkomenda niya ang pagsasara ng mga POGO dahil sa paglaganap ng mga krimen.

Hinirit din ni lawyer Lorna Kapunan, kilalang women’s right advocate na baguhin ang batas sa human trafficking para mapanagot ang mga hotel at ibang estabilisim­yentong sangkot sa sex trafficking.