Abante Tonite Interactive

Ombudsman tinabla ni Alvarez, Garcia ‘di sisipain

By
7,599

Matigas ang posisyon ni Speaker Pantaleon Alvarez na suwayin ang desisyon ng Office of the Ombudsman na sipain sa tungkulin si House Deputy Speaker Gwendolyn Garcia dahil sa grave misconduct.

“My appropriate action is not to implement the order. Why? Because there is nothing in the Constitution that allows me to do that,” paliwanag ni Alvarez sa panayam ng media kahapon.

Iginiit ng lider ng Kamara na walang kapangyarihan ang Ombudsman na disiplinahin lalo na ang magpaalis ng miyembro ng Kamara.

“So ‘pag ginawa ko ‘yan, I will be violating the Constitution since mayroong nakalagay sa Constitution na kami lang yung may kapangyarihan na mag-discipline at remove ng member of the House of Representatives,” pagdidiiin ni Alvarez.

Inihayag pa nito na masyado ng atrasado ang desisyon na inilabas ng Ombudsman laban kay Garcia.

“Late yung decision, late yung order. Dapat noon pa nilabas yan noong siya ay gobernador pa lang,” ani Alvarez.

Samantala, hindi na ginatungan pa ni Alvarez ang haka-haka ni Garcia na ‘bad timing’ at may kaugnayan sa impeachment hearing ang pag-target ng Ombudsman laban sa kanya.

Ang hatol ng Ombudsman ay may kaugnayan sa pagpapahintulot ni Garcia sa pagbili ng P98.9 milyong Balili property sa Naga City noong 2008 na natuklasan na binabaha.

Noong 2012, kinuha ni Garcia ang Supreme ABF Construction para tambakan ng lupa ang binabahang property sa halagang P 24.47 milyon.

Natuklasan naman ng Ombudsman na hindi kumuha ng permiso sa Sangguniang Panlalawigan si Garcia.