Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Omi-krung-krung

0 46

Dalawang taon na tayong nakikipaglaban sa Covid-19 at hindi na maitatago ang epekto sa kalusugang pangkaisipan ng pandemyang ito.

Nalilito, natatakot, napapagod, nagagalit at nalulungkot na ang karamihan dahil sa sakit na Covid-19 at epekto nito, hindi lamang sa kalusugan, kung hindi maging sa relasyon, sa pakikipag-ugnayan sa ibang tao, sa pagba-biyahe at sa hanapbuhay.

Madali na tayong mataranta sa mga balitang magkakaroon ng total lockdown o magma-martial law. Kahit alam nating imposibleng mangyari ito, marami pa rin ang naniniwala sa mga audio messages na kumakalat at dumidiretso sa mga grocery stores, palengke, at maging sa mga botika para maghakot ng mga supplies.

Iba-iba rin ang sinasabi ng mga nasa siyensiya kaugnay ng mga bakuna at mga gamot laban sa Covid-19, kaya’t marami ang urong-sulong sa pagbabakuna o pag-inom ng mga gamot para rito.

Imbes na herd immunity ang ating makamit, nagkakaroon tayo ng herd mentality. Ang nangyayari sa atin, naniniwala tayo agad sa nababasa natin sa social media o sa sinasabi ng mga “influencers” at sinusunod natin kung ano ang kanilang ipinapayo na kadalasan ay wala namang matibay na basehan.

May ilang nagsasawalang-bahala na lang, pinipilit nang gawing normal ang pamumuhay sa kabila ng pandemya. Pero paano kung hindi na kaya ng iyong kaisipan ang mga nangyayari?

Dumarami ang napapabalitang naiistress at nade-depress sa mga mamamayan, may Covid-19 man o wala. Sa isang pag-aaral sa Amerika, 23% ng mga nagka-Covid na naipasok sa Intensive Care Unit, ay nakakaranas ng anxiety o sobrang pag-aalala. Labingwalong porsiento naman ang nagiging depressed o sobrang nalulungkot, at pitong porsiento ang may posttraumatic symptoms o may takot kahit gumaling na sa sakit. Ang mga epektong ito ay naranasan nila kahit lumipas na ang apat na buwan simula nang sila ay magka-Covid.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Lumala rin ang depression, anxiety at obsessive at compulsive symptoms, ang trauma sa mga naapektuhan ang kaisipan dahil sa pandemya, kahit hindi nagka-Covid. Epekto ito ng mga lockdown, problema sa ekonomiya, pagkawala ng trabaho, pagsasara ng mga eskwelahan, paghihigpit sap agba-biyahe, at pagkakahiwalay sa mga pamilya at kaibigan. Nakadagdag pa ang mga usap-usapan sa social media. Kahit ang mga balita sa Covid sa mainstream media ay nakakabaliw na rin para sa karamihan. May ilan akong kakilala na itinigil na ang panonood, pakikinig at pagbabasa ng balita dahil marinig lang daw nila ang Covid, para na silang nagpa-palpitate. Pinili na lang din nilang mag-isolate o huwag nang maglalabas dahil sa takot sa Covid.

Kahit na binigyan tayo ng pag-asa ng bakuna laban sa Covid na magnonormal na ang buhay, marami na naman ang natatakot dahil sa mabilis na pagtaas ng kaso sa buong mundo nang lumitaw ang Omicron variant.

Maraming kaso ng mga bakunado na at may booster pa ang naoospital pa rin dahil sa Covid. Hindi lamang malinaw kung ilan ang mga bakunado at hindi bakunado sa mga naoospital ngayon.

Ang paliwanag ng mga eksperto, hindi naman kasi porke’t may bakuna na ay hindi na tatamaan ng Covid, Posibleng naging kampante raw ang mga may bakuna kaya’t nakakuha pa rin sila ng sakit. Gayundin, isinisisi nila ito sa bagong variant na Omicron na mas mabilis makahawa at sinasabing pinag-aaralan pa kung epektibo pa rin ba laban dito ang mga kasalukuyang bakuna.

Pero walang data kung sino sa mga maysakit na napunta sa ICU at namatay ang bakunado at hindi bakunado.

Ang mga healthcare workers ang isa sa matindi ring naapektuhan ng pandemya ng Covid-19. Sila kasi ang pagod at hirap na hirap sa pag-aasikaso sa napakaraming pasyente. Kadalasan ay sa kanilang harapan na namamatay ang pasyente. Nabe-burn out na rin sila sa tagal ng panahon ng kanilang pagta-trabaho na nakasuot ng PPE at mask na napakahigpit. Naroon din ang kanilang takot na baka makakuha ng Covid at maiuwi sa kanilang pamilya.

Ito ang dapat paghandaan at solusyunan ngayon ng mga clinicians at mga pinuno ng kagawaran ng kalusugan – ang mental health impact ng bagong variant at ang humahaba nang panahon ng pagkalito, pagkagalit, pagkabahala, at kalungkutan dahil sa Covid-19.

Leave A Reply

Your email address will not be published.