Abante Tonite Interactive

One and only speaker daw ni Duterte, ayon kay Roque: Alvarez insecure?

By
1,378

Hindi pa rin matahimik ang isyung pagpapatalsik sa puwesto kay House Speaker Panta­leon Alvarez.

Kaya naman sa oathtaking kahapon ng PDP-Laban sa Malolos, Bulacan na dinaluhan ni Alvarez at iba pang kapartido ay ipinakilala ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nag-iisang speaker ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ang kaisa-isang Speaker ng Bayan;­ ang kaisa-isang Speaker na mahal ng ating Presidente, Speaker Pantaleon Alvarez,” pagpapakilala ni Alvarez na tinawag na kamakailan na ‘asshole’ ni Davao City Mayor Sara Duterte at nanawagan pang sipain na ito bilang Speaker.

Sinabi pa ni Roque na sinumang magtatangkang patalsikin si Alvarez ay hindi magtatagumpay dahil na kay Alvarez ang buong suporta ni Pangulong Duterte.

“Kung may naririnig kayong mga gahaman na naglalaway sa posisyon ni Speaker, sabihin ninyo maglaway pa sila dahil wala na pong ibang Speaker si Presidente Digong Duterte kundi si Speaker Alvarez,” pagbibida pa ni Roque.

Ang tila depensang ginawa ni Roque ay lumabas kasunod ng bulung-bulungang si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang ipapalit sa kanya bilang pinuno ng Kamara.