Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ongpin nilinis ng PNP sa Jonson case

0 142

Hindi na umano maituturing na person of interest si Julian Ongpin, anak ni bilyonaryo at dating trade secretary Roberto Ongpin, sa pagkamatay ng artist na si Bree Jonson, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief General Dionardo Carlos.

Ayon kay Carlos, ito ay matapos na walang makitang foul play ang pulisya sa pagkamatay ni Jonson matapos ang isinagawang imbestigasyon. Si Ongpin ang sinasabing nobyo ni Jonson.

“Julian Ongpin isn’t anymore a person of interest to the case since police investigation yielded no sign of foul play to the incident,” pahayag ng hepe kahapon.

Siniguro rin ni Carlos na makikipagtulungan ang PNP sa Department of Justice (DOJ) sa gagawing imbestigasyon hinggil sa insidente.

“We will advise PRO1 and the Forensic Group to respond to the request of DOJ regarding the DNA Report. Rest assured that we will cooperate with DOJ, should there be additional queries and requests for documents.”

Si Ongpin ang hu­ling nakasama ni Jonson bago ito matagpuang wala nang buhay sa loob ng kanilang inuupahang kuwarto sa isang resort sa La Union nitong Setyembre.

Nakakuha ang pulis­ya ng ilang gramo ng cocaine sa loob ng kuwarto at sa isinagawang drug test, parehong nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga ang magkasintahan.

Naglabas din ng CCTV footage ang PNP na nagpapakita ng pagtatalo nina Ongpin at Jonson sa labas ng kanilang kuwarto bago natagpuang walang buhay ang dalaga.

Kinuwestiyon naman ng pamilya ni Jonson ang mga sugat sa braso ni Ongpin na nakunan ng pulisya matapos ang insidente pero ayon sa pulisya, ang mga sugat ay sanhi ng mga sabit ng pako sa bintana ng banyo kung saan pinilit umanong pumasok ng binata nang makitang wala ng malay ang da­laga matapos na umano’y magpakamatay.

Matapos ang inisyal na pagdakip kay Ongpin ay agad namang ipinag-utos ng prosecutor’s office ng La Union na pakawalan siya habang dinidinig ang preliminary investigation. ­(Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.