Abante Tonite Interactive

‘Onli in di Pilipins’

449

Kung mayroon man tayong dapat punahing positibo ay ito marahil ang paglilinis ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga sidewalk.

Pabor ito sa lahat ng motorista dahil hindi lamang ito patungkol sa mga illegally parked vehicle kundi pati na ng mga mismong barangay hall na itinayo mismo sa gitna ng daan.

Susmaryosep!

Sinampolan ang barangay hall mismo ng Barangay 235, Zone 22 District II sa Villaruel St. ng Manila na sumakop sa malaking bahagi ng sidewalk.

Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, inabisuhan naman ng ahensiya ang mga barangay official hindi lamang isang beses na alisin nila ang istraktura ngunit ayaw nilang tumugon.

At hindi lamang giniba ang brgy. hall kundi sinampahan pa ng kaukulang kaso ang naturang mga brgy. official sa pakikipagtulungan ng MMDA kay DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na hindi rin nagpatumpik-tumpik na kalampagin ang mga tigasing brgy. official.

Ganyan dapat. May political will kahit sa maliliit na bagay.

Kung lubhang seseryosuhin ito, luluwag talaga ang mga lansangan.

Kasi kesehodang lansangan o daanan pa ‘yan ng mga sasakyan, aba’y naroroon ang basketball court, volleyball court, badminton court o pati mga sinampay nariyan.

“Onli in di Pilipins,” sabi nga ng ilan.

Subukan n’yong umikot sa Metro Manila at hindi kayo matatagalan mapatunayan ang ating sinasabi.

Idagdag pa natin dine ang mga sidewalk vendor aba’y kumpleto recados na.

Gumala kayo sa inyong lugar at hindi rin kayo matatagalang matagpuan ang ganitong problema.

Sakal na sakal talaga ang mga lansangan kung kaya’t walang puknat ang problema sa trapiko.