Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Online challenge peligroso – PNP

0 70

Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa panganib na posibleng idulot sa seguridad ng kabataan mula sa mga nauuso ngayong online challenge.

Inihayag ito ng PNP Anti-Cybercrime Group kasunod na rin ng babala ng grupong Save the Children Philippines hinggil sa mga online challenge na sinasalihan ng mga netizen ngayong nahaharap pa sa mga community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa tv interview kay Major June Paolo Abrazado ng PNP Anti-Cybercrime Group, sinabi nito na maaaring gamitin ng mga taong may malisyosong pag-iisip ang mga online challenge na ito para sa kanilang kasamaan.

Inihalimbawa nito ang “Drop your daughter challenge” kung saan puwede umanong i-filter ang larawan ng kabataang nagpo-post sa social media para makakuha ng listahan ng mga puwedeng i-exploit lalo na kapag naka-public upload aniya ang mga litrato.

“Puwede niyang i-filter itong beautiful daughters by going to the hashtag and meron na siyang listahan ng mga puwede niyang ma-exploit na pictures of the child,” babala ni Abrazado.

Paalala naman ng Save the Children Philippines na dapat alamin muna ang pinagmulan o kuwento sa likod ng mga online challenge bago sumali rito.

“Maaaring gamitin ng mga online predator ang mga hashtag ng mga social media challenges para hanapin at gamitin ang iyong mga impormasyon sa mga masasamang gawain,” babala ng grupo sa kanilang Facebook post. (Riley Cea)

Leave A Reply

Your email address will not be published.