Abante Tonite Interactive

Online Chinese gambling binawal sa Cambodia

170

Ipinagbawal ng pamahalaan ng Cambodia ang operasyon ng online gambling sa kanilang bansa dahil ginagamit na umano ito sa extortion ng mga fo­reign criminal.

Sa inilabas na kautusan ni Cambodian Prime Minister Hun Sen noong Linggo, ipinatigil nito ang pagbibigay ng online gambling license. Pinapayagan naman na makapag-operate pa ang mga valid license holder pero hindi na ire-renew ng Ministry of Economy and Finance ng Cambodia kapag napaso na ang lisensya.

“Some foreign criminals have taken refuge in the form of this gambling to cheat and extort money from victims, domestic and abroad, which affect the security, public order and social order,” nakasaad sa kautusan.

Ipinag-utos din ni Hun Sen sa kanyang mga cabinet minister, national police at military ang mahigpit na pagpapatupad sa direktiba laban sa online gambling operation sa kanilang bansa.

Batay sa ulat ng Bangkok Post, ang southern coastal city ng Sihanoukville ang sentro ng online gambling operation ng mga Chinese run-casino.

Ang Cambodia ay kaalyado ng China at ito ang pinakamala­king donor at investor sa kanilang bansa. Kabilang din ang Cambodia sa may pinakamara­ming offshore casino kung saan naglalaro ang mga sugarol mula sa China dahil iligal ang sugal sa naturang bansa.

Batay naman sa ulat ng Xinhua News Agency, ang official state-run press agency ng China, tinitingnan ang naturang aksyon ng Cambodia laban sa online gambling operation bilang pagsuporta kay China President Xi Jin Ping na pigilan ang pagdami ng mga offshore casino sa rehiyon, kabilang dito ang Pilipinas, dahil sa masamang epekto ng gambling addiction sa kanilang mamamayan sa mainland China.