Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Online class sa Facebook kinokonsidera

0 308

May ilang guro ang kinokonsidera na ang paggamit sa Facebook at iba pang libreng learning platform para maipagpatuloy ang klase.

Sa panayam kay Mark Madrona, na senior high school teacher sa Batasan Hills National High School sa Quezon City, pinag-iisipan na nito ang paggamit ng nasabing social media platform dahil marami sa mga estudyante at guro ang pamilyar na rito.

Ginagamit na rin umano ang iba pang learning platform tulad ng Canvas, Google Classroom, at Quipper School para sa distance learning, gayunman ayon kay Madrona, hindi madali para sa mga guro at estudyante na gamitin ito lalo na ang mga hindi sanay sa teknolohiya.

“Ituturo pa sa bata how the platform works so why don’t we check out platforms already known to students. Nasa Facebook naman ang lahat ng tao,” ani Madrona.

Para naman kay teacher Roanne Davila ng San Nicolas, Bacoor City ginagamit nito ang Google Classroom dahil madaling ma-monitor ang aktibidad ng estudyante. Gayunman, aminado siya na gumagamit din ng Facebook kung walang internet connection ang estudyante.

Sa isyu ng pagkalat ng fake news at data privacy sa Facebook kung gagamitin sa edukasyon, sinabi ni Madrona na pagkakataon na ito para maituro sa mga estudyante ang media literacy. (PNA)

Leave A Reply

Your email address will not be published.