Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Online Pista

0 229

Sa kultura at tradisyong Pilipino, tuwing Mayo kadalasang ipinagdiriwang ang maraming kapistahan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Paggunita ito sa kaarawan ng mga patron. Karaniwan nang magarbo, makulay at maingay ang selebrasyon lalo na kung may karakul kung saan inililibot ang santo. Kung minsan nga, may fluvial parade pa.

Sa isang barangay sa Tanza, Cavite na kung tawagi’y ‘Barangay Julugan’, tuwing May 3 ang taunang pista. Ang ginugunita – Feast Day of Santa Monica. Pero ito na ang ikalawang taon na walang masayang pagdiriwang dahil sa Covid-19 pandemic. Malungkot ang mga residente dahil wala muli ang nakasanayang kasiyahan.

Sa kabila ng pandemya, hindi pa rin naman maaawat ang mga deboto sa pagpapahayag ng kanilang taimtim na pananampalataya.

Sa programang ‘Hapag ni Santa Monica’ inilaan ng mga debotong sina Jean Abellare at Joey Valenton ang budget nila na para sana sa mga bulaklak na panggayak sa karakol.

Sa halip na magarbong selebrasyon, nagtayo na lang sila ng community pantry. May 1,500 na pamilya mula sa Barangay Julugan ang naayudahan ng relief goods sa ilalim ng programang ito.

Ayon sa mga organizer, sa ganitong paraan – mas nakatulong pa sila sa mga nangangailangan.

Siniguro naman ng pamunuan ng programa na nasunod ang umiiral na minimum public health standards lalo na ang physical distancing sa kanilang relief distribution. 

Dahil sa Covid-19 pandemic, kanya-kanya rin munang diskarte sa paggunita sa Kapistahan ni Santa Monica.

Idinaos pa rin ang taunang karakul. Pero sa loob na lang ng simbahan ito ginanap upang makaiwas sa dagsa ng maraming tao. Kaya ang mga deboto, tinutukan na lang ang karakol via live streaming sa FB page ng simbahan.

Sa halip namang prusisyon, inilibot na lang sa pamamagitan ng motorcade ang imahe ni Santa Monica upang kahit papaano’y madama pa rin ng mga deboto ang presensya ng kanilang patrona. Hindi man gaya ng nakagawian, mahalaga pa ring maramdaman ang tunay na diwa ng kapistahan – ang debosyon at taimtim na pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng patuloy na pagdarasal lalo na ngayong hindi pa tapos ang laban ng buong mundo sa Covid-19 pandemic. (with reports from Jhan Ferdie Llagas)

Leave A Reply

Your email address will not be published.