Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Online sabong tigil na ba?

0 163

Halos isang buwan ng itinigil ang operasyon ng online sabong pero tila mayroon pa ring nakakalusot na operasyon nito.

Sa paniwala ng publiko at ng mga otoridad ay tumigil na ang e-sabong pero bakit tila mayroong underground operations na ipinapadaan sa mga text messages para makapusta ang mga tao.

Ilang beses akong nakatanggap ng spam messages sa mobile phone ko para tumaya sa e-sabong gayong wala akong kaalam-alam sa bisyong ito.

Ipinatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang online sabong noong Mayo a dos, 2022 dahil sa matinding pagkalulong ng maraming Pilipino sa nabanggit na sugal at inatasan ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na alisin na ang operasyon ng e-sabong.

Pero tila yata hindi nagpatinag ang ilang small-time operators at gumawa ng diskarte para makapagpatuloy ang kanilang operasyon.

Hindi lang ang operators ang nawalan ng kita kundi pati na ang mga manggagawa ng mga ito kaya napipilitan talaga na gumawa ng diskarte dahil sa laki ng nawala sa kanila araw-araw, bente kuwatro oras.

Malaki rin ang nawalang kita ng gobyerno mula sa buwis sa online sabong pero mas matimbang kay Pangulong Duterte ang kalagayan ng mga Pinoy na nalulong sa bisyo dahil ang ibang talamak na sa e-sabong ay nagsasanla na ng mga ari-arian para lamang makapagsugal.

Maging ang mga Overseas Filipino Worker lalo na yaong nagtatrabaho sa mga barko ay nalulong din sa e-sabong kaya ang resulta ay walang maipadala sa mga pamilya dahil nauubos ang sahod at natatalo sa nabanggit na sugal na ang resulta ay pagkasira ng kanilang pamilya.

Hindi nagustuhan ng Presidente ang report ng DILG na halos buong mag-anak sa isang pamilya, kabilang na ang menor de edad ay tumataya sa e-sabong kaya nagpasya itong ipatigil ito.

Bagamat nawalan ang gobyerno ng kita na P640 million kada buwan mula sa e -sabong, sinabi ng Presidente na mas matimbang sa kanya ang kapakanan ng mga mamamayan at ayaw niyang tuluyang malubog ang mga Pilipino sa nabanggit na sugal.

Sari-saring negatibong kuwento ang naiulat dahil sa bisyo sa online sabong at pati ilang miyembro ng alagad ng batas ay nakakagawa ng krimen para lamang may maipantaya sa e-sabong na hindi dapat mangyari.

Pero nakapagtatakang kahit naipatigil na ang online sabong operations ay mayroon pa ring gumagawa ng diskarte kaya dapat sigurong tutukan din ito ng mga otoridad.

Narito ang ilan sa mga link mula sa spam messages na natatanggap ng publiko mula sa mga nanghihikayat na tumaya ng online sabong: https://bit.ly/3FJ4qF5 mula sa numerong +639975310058, at https://bit.ly/3P1Zf7k na galing sa +639073676360.

Dapat pagtuunan ito ng pansin ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation para matukoy kung nagpapatuloy pa rin ang online sabong o hindi dahil baka baka isipin ng publiko na ningas-kugon lamang ang naging direktiba ng Presidente.

Leave A Reply

Your email address will not be published.