Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Online seller kinidnap, sinunog ng 5 pulis

0 197

Pinosasan ang tatlong pulis habang pinaghahanap pa ang tatlong iba pa, kabilang ang dalawa pang parak, matapos ang ginawa umano nilang pagdukot at brutal na pagpatay sa isang babaeng online seller nitong Hulyo 21 sa Nueva Ecija.

Nasa kostudiya na ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) ang mga naarestong sina Police Staff Sgt. Benedict Matias Reyes, nakatalaga sa Sta. Rosa, Nueva Ecija Municipal Police Station (MPS); Police Staff Sgt. June Malilin, nakatalaga sa Palayan City Police Station 2; Police Corporal Julius Alcantara, nakatalaga sa Nueva Ecija Provincial Drug Enforcement Group; at ang caretaker ng lupa kung saan naganap ang krimen.

Samantala, pinaghahanap pa ng awtoridad ang iba pang suspek na nakilalang sina Police Master Sgt. Rowen Martin; nakatalaga sa Cabanatuan City Police Station 3; Police Staff Sgt. Drextemir Esmundo, nakatalaga sa Cabiao Police Station, at sibilyan na si Franklin Medina, alyas ‘Kelly.’

Kinilala naman ang biktima na si Nadia Casar, 35, online seller at residente ng Cavite, na matapos patayin ng mga suspek ay inilagay pa ang katawan sa isang sako at sinunog bago ibinaon sa lupa.

Nitong Agosto 1 ng hapon nahukay ang labi ng biktima sa isang bakanteng lote sa Sitio Pinagpala, Brgy. Imelda Valley, Palayan City, Nueva Ecija.

Base sa ulat ng PNP-AKG, Hulyo 21 nang makipagkita si Casar sa isang Kelly sa Sta. Rosa, Nueva Ecija para sa isang business transaction. Umarkila ng Grab ang biktima mula Cavite hanggang Nueva Ecija.

Matapos ang meeting at pabalik na ang biktima at Grab driver na itinago sa pangalang ‘Mark’ sa Cavite nang harangin sila ng isang pickup truck na may sakay na tatlong armadong lalaki at dalawang motorsiklo na armado rin ng baril ang mga sakay. Doon dinukot si Casar kasama si Mark pero kinabukasan ng madaling-araw, pinakawalan din ng mga suspek ang huli pati ang sasakyan nito.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Pagbalik ng Cavite, agad ipinabatid ng drayber ang pangyayari sa pamilya ng biktima na agad namang humingi ng tulong sa PNP-AKG nitong Hulyo 23.

Sa ginawang backtracking ng AKG, natunton nila ang unang safehouse na pinagdalhan sa biktima sa Brgy. Tagpos, Sta. Rosa, Nueva Ecija dakong alas-dos, Hulyo 24 ng hapon subalit wala na silang naabutang tao sa bahay at tanging ang driver’s license na lang ng isang Franklin Medina ang kanilang nakita sa loob na positibong kinilala naman ni Mark na si ‘Kelly,’ ang siyang ka-meet ng biktima sa Nueva Ecija.

Sa ginawang koordinasyon ng AKG sa hepe ng Sta. Rosa Police ay namukhaan ng Grab driver ang isa sa mga tauhan nito – si Reyes – na isa sa mga dumukot sa kanila nang makita ang isang group picture ng mga pulis sa istasyon. Agad inaresto si Reyes ng kanyang mga kabaro.

Matapos ang pagdakip ay ipinakita pa ng hepe kay Mark ang iba pang pulis Nueva Ecija at dalawa pa ang positibong kinilala ng drayber na dumukot sa kanila: sina Esmundo at Alcantara.

Matapos ang ilang araw na paghahanap ay sumuko sa PNP-AKG si Alcantara at sinabi nitong sina Malilin, Martin, at Esmundo ang siyang kumidnap, pumatay at sumunog kay Casar.

Itinuro pa niya ang farm kung saan naganap ang panununog at paglibing sa biktima.

Isa pa sa tumayong saksi sa krimen si Dario Aligan Robarios, na inutusan umano nina Malilin, Martin, at Esmundo na ilibing ang sinunog na bangkay. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.