Abante Tonite Interactive

Online seller ng alcohol swak sa entrapment

0 379

Timbog sa mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang online seller ng mga walang tatak na alcohol matapos isailalim sa entrapment operation dahil sa overpricing ng binebenta nitong hygiene product.

Kasalukuyang nakakulong sa detention facility ng Southern Police District CIDG ang suspek nakilala sa pangalang Huansing Chan y Ng, (hindi Chinese) Filipino citizen at residente ng Quezon City.

Inihahanda na ang demandang isasampa laban sa kanya dahil sa paglabag sa Republic Act No. 7581 o Price Act, RA 7394 o Consumer Act of the Philippines, at RA 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.

Batay sa report, dakong alas-5:15 ng hapon ng Linggo, Marso 22, nang salakayin ang bahay ng suspek ng pinagsanib na pwersa ng Southern CIDG, sa pangunguna ni Lt. Col. Reyson Bagain, Captain Narrolf Tan ng NCRPO, at ng Quezon City Police District.

Base sa isang impormasyon, nalaman ng Southern CIDG ang iligal na pagbebenta ng suspek at napatunayan nila ito nang makita sa Facebook ang online selling ng nasabing alcohol.

Sa entrapment operation ay nakabili ang operatiba ng P34,000 halagang alcohol gamit ang boodle money at isang tunay na P500 bill at nasamsam pa ang kabuuang 350 bottled alcohol na tinatayang nasa P61, 250 halaga. (Armida Rico)