Abante Tonite Interactive

Onuaku, Meralco nilapa ang Blackwater kinatay!

By
1,173

Kinuryente ng Meralco ang Blackwater 102-75 para maniguro na ng puwesto sa quarterfinals ng PBA Commissioner’s Cup.

Pagdating ng break sa MOA Arena Biyernes nang gabi, malayo na ang Bolts sa 59-30 at mula roon ay kumampay na lang tungo sa 6-2 win-loss card, kabuhol ang TNT KaTropa sa third-fourth spots.

“I thought my players played with a lot of sense of urgency tonight as far as having this to be a must-win situation for us especially with the three-game schedule coming up,” lahad ni coach Norman Black.

Isusunod ng Bolts ang Alaska sa Linggo, Texters sa June 22 at Rain or Shine makalipas ang dalawang araw.

Hinigpitan ng Meralco ang depensa, binigyan lang ang Elite ng 47 points pagkatapos ng three quarters samantalang naka-79 na sila papasok ng fourth.

Lumayo ng hanggang 93-52 ang Meralco 7 1/2 minutes pa sa laro mula sa jumper ni Mac Baracael.

Halos 29 minutes lang sa loob si Arinze Onuaku pero nakapagsumite pa rin ng team-high 17 points at 17 rebounds para sa Bolts.

Apat pang alagad ni Black ang tumapos ng 10 points pataas sa pa­ngunguna ng 13 ni Anjo Caram.

Anim sa 24 assists ng Meralco ay pinakawalan ni Chris Newsome. Na-outscore ng bench ng Bolts ang counterparts 49-35.

May 14 points at 13 boards si Henry Walker sa Blackwater na nabaon pa sa 1-9.